Nagkalkal ako kanina sa garahe. Plano ko kasing i-organize ang mga photos namin lalo na yung sa mga bata. Balak kong gawan ng "updated" version ng kani-kanilang photo albums, mula noong maliliit pa sila hanggang ngayon. Hirap lang komo sandamakmak sya talaga naman pinawisan ako sa kakakalutkot. Kahirap pa naman ng ganon pag me hinahanap ka siyempre me mga di maiiwasang bagay na makikita ka kaya resulta nagdrama akong mag-isa sa ibaba. Me pa cry-cry with matching nginig ng nguso.
Unang kahon na nabuksan ko, mga litrato ng dalawang anak ko nung panahong magkakalayo kami. Mga litrato na nung nakita ko noon e iniyakan ko ng todo todo at iniiyakan ko pa rin hanggang ngayon. Sumunod na kahon na binuksan ko, mga litrato naman ni Kyle. Me mga kuha doon na kaming tatlo ng Papa nya at meron kaming dalawa lang. Naisip ko tuloy, habang busy kami dito sa "pag-iipon" ng happy memories eka nga, para kay Kyle, hindi namin namalayan na nalulubog na pala kami sa "utang" sa dalawa naming anak.
Ilang birthdays ba ang dumaan sa kanila na wala kami? Ilang Pasko, ilang Bagong Taon? First Communion ni Kristine nasan kami? Mga activities sa school, graduations? First crush, first suitor, first heartache at kung anu-ano pang firsts? Nakakalungkot kasi hindi kami ang unang nakakaalam. Sa parteng yun, walang katumbas na pera ang pwedeng itapat. Kahit anong okasyon ang i-celebrate ng nasa Pilipinas, kahit ibuhos mo pa lahat ng pera mo sa handa, wala....hindi ka parte sa kasiyahan. Silang lahat masaya...pero kami nasan? Nandito, pinagkakasya na lang ang sarili sa pakikinig sa ingay nila sa telepono o kaya masiyahan na lang sa mga litrato na ipapadala sa amin. Sabagay, yun naman ang importante, yung masaya sila.
Pangatlong kahon na nabuksan ko, mga sulat at cards. Nagbasa-basa ako ng konti. Merong masayang balita, me malungkot, me nakakairita, me nakakatawa at meron ding simpleng pangungumusta. Isipin mong maranasan ko lahat yang mga emosyon na yan ng dahil lang sa paglilinis ng garahe? Resulta tuloy parang mas napagod pa ako sa kaka-emote kesa sa pagbuhat-buhat ng mga kahon.
Na-realized ko sa pagtingin ko sa mga abubot ko sa garahe na sa medyo tinagal-tagal pala naming wala sa Pilipinas, marami na akong kamag-anak at kakilala na hindi ko na muling makikita. Katulad ng bayaw ko na si Kuya Pat, pamangkin ko na si Bong, Ditseng Luningning at asawa nyang si Syahong Pedring, Si Tiyo Ramon, Tiya Puring, apo nyang si Tristan, si Ate Zeny at marami pang iba. Nakakalungkot...
Sa isang banda naman, ang dami ko na ring hindi kakilala na mga batang parang mga kabuteng nagsulputan. Nagulat ako dahil mabibilang ko pa naman sa mga daliri ko noon ang mga bata sa amin at natatawag pa sa kani-kanilang pangalan. Pero susmaryosep! Nung umuwi ako, biglang me kakalabit na batang uhugin sa tabi ko, akala ko e pulubi, apo ko na pala! Kumukulo ang mga bata! Nakakalito!
Umakyat ako sa itaas na bitbit ang napakaraming litrato at photo albums. Pero higit sa lahat dala ko rin dito sa puso ko ang mga ala-ala ng nakalipas masaya man o malungkot, kasama man ako o hindi.