Saturday, February 11, 2006

Lab Story ng Promdi...

Hinahanapan na ako ni Mommy Lei ng update kaya heto...Nawiwili kasi ako sa pangangapitbahay sa mga bahay-bahay nyo e. Eniwey, heto ang aking love story (kung may intresado). Tribyut kay elabs...

Taong 1984 nung magkakilala kami ni Robert, ang edad ko ay mangasim-ngasim na disi-siyete. Taga Novaliches sya at ako'y Nueva Ecija. Sa lamay kami ng patay nagkita. Sa libing, dun sya lumapit sa akin at nagpakilala at makaraan ang isang buwan, dumalaw uli sya sa probinsya namin para maningalang-pugad. Kaso, turn-off ako sa style ng panliligaw dahil sa tabing kalsada dun nag-umpisang dumiga ng dumiga. Gusto ko ng tadyakan sa ngala-ngala! Panay ang "i love you todo-todo,walang break, walang preno, sagutin mo na ako please?".

Kinagabihan, umakyat ng ligaw sa bahay namin. Alas-dose na ng gabi ayaw pang umuwe, umuulan pa naman. Sa loob-loob ko "dito pa yata balak mag-almusal nito". Nadaan ako sa kulit kaya pinawalan ko na rin ang aking matamis na yes. Sa isip ko, may edad sa akin (9 yirs ang pagitan namin), may trabaho (okey ako sa regalo), malayo (hindi ako makukulit at madalang kong makikita) kaya pwede na, praktisan kumbaga.

Unang dalaw sa akin bilang boypren, aba! may bitbit! Hindi ako nagpahalata pero curious ako sa pasalubong. NAKALATA...aba, pangangatawanan yata yung pangako na "aalagaan" ako! Gatas pa yata yung dala, ano kaya Nido o Bear Brand? Nung inabot sa akin, teka lang ba't mabigat? Baka naman inuyat? Alam nyo ba sabi pagkaabot sa akin?

"Nagdala ako ng alkitran, paakyatin mo yung mga kapatid mong lalaki sa bubong nyo at puro butas. Kahit saan ako pumuwesto, nababasa ako ng ulan". Anak ng teteng! San ka naman nakakita ng nagregalo e aspalto pa? Dismayado ako pero nagtenk yun na rin, sabay bulong ng "ipakain ko sa iyo to e nakita mo."

Sumunod na dalaw, may LATA na namang bitbit. Kuwadrado naman ngayon kaya naisip ko eto na siguro yung biskwit. Skyflakes kaya o Fita? Putsa! nung iabot sa akin, muntik ko ng maibagsak sa paa nya sa bigat! Ano kaya ito?Bato? Pag ito bato, sa kanya ko lahat ipupukol!

Heto sabi nya habang hindi ako magkandadala sa bigat:"Mga barya yan, mabigat sa bulsa e kaya inipon ko, sya pang pasahe mo." In fairness, wala namang mamiso, puro tig-dodos at limang piso...

Kinalipatang buwan heto naman, may dala naman. Medyo hindi na ako ganon ka-excited. Dis taym, ang dala nasa plastic container. Isip ako ng isip, masyado naman kakong malaki kung cologne. I hold my breath habang sinasabi nya kung ano yung dala nya..."Nagdala ako ng panlinis ng kubeta, napansin ko kasi medyo marumi yung kubeta nyo." Anak ng syongoy, oo! Sabunutan ko na kaya ito para lalong makalbo!

Sumunod na dalaw na may bitbit, halos di ko na tingnan at asar na ako talaga. Hindi mga ganon ang inaasahan kong pasalubong no? Hindi ko naman masabi yung gusto ko at dyahe rin naman. Nasa plastic container na naman, kaya sinabi ko na, marami pa yung panlinis na dala nya nung una at malinis na yung kubeta namin. Sagot sa akin, hindi naman daw panlinis ng kubeta ang dala nya kundi pang spray sa lamok. Masyado raw malamok sa amin, kinakagat sya... Alam nyo ba, natapos ang araw na yun na hindi ko na kinausap at sobra mapakapanlait ang kolog...

Ilang dalaw pa yun na puro ganon.Nandyang magdala ng doormat at ng hindi daw tuluy-tuloy ang tsinelas ng pumapasok sa bahay, achuchu-achuchu. At ang finale, pantalon na! Kulay puti. Para raw sa akin kasi binili raw nya para sa kanya e maliit kaya akin na lang...sey nyo? Lahat ng bigay nya sa akin, sa kanya ang benepisyo. Kasarap kalabugin sa noo!

Hindi na ako nakatiis, nagreklamo na ako. Sinabi ko sa kanya na hindi man lang ba nya ako bibigyan ng bulaklak o tsokolate. Ganon ang gusto ko kako ayoko ng kung anu-ano, para kako syang bumbay. Ganon raw sya kase, praktikal pero nangako na pagbalik nya may dala na syang bulaklak at tsokolate. Sasadyain nya pa raw sa Baguio. How sweet!

Eto na ang pinakahihintay-hintay kong araw ng pagdalaw nya. Ang pagbabalik galing Baguio...Umeentra pa lang sa gate namin, nakatanaw na ako. Hinahanap ng mga mata ko ang mga rosas, wala!? Nakalimutan yata..Pag ito pumalpak sa pangako nya, bebreykin ko na ito! Maya-maya, inilapag ang duffel bag na dala nya. Binuksan ang zipper at unti-unting inilabas ang bulaklak....pigil ko na naman ang hininga ko....nakupo! Muntik na akong himatayin...bumantad sa mata ko ang mga kulay pink na rosas, na nakabalot sa plastic at nakasaksak sa vase na kahoy na may nakasulat pang "Baguio City" .....

Ang bulaklak?.... Peke! Plastic! Di tunay! Walang pagkalanta ....Tulad daw ng pag-ibig nya na walang kamatayan....At ang tsokolate?... Goya....Nagoya ako..

Di naman ako nadala. Ending, kami rin. Ikinasal kami, January 2 & May 5,1990. May tatlo na kaming anak ngayon at still going strong pa rin naman...Pero si Mister ko, wala pa ring kupas. Ang regalo sa akin nitong nakaraang Valentine's Day?

Isang sariwang pink na rosas...nung tanungin ko ba't iisa, alam nyo sagot? Mahal e.....tulad ng feelings ko towards you.....nabola na naman ako.....

7 comments:

Mmy-Lei said...

nakakatuwa naman itong kwento mo! naloloka na daw ako sabi ng katabi ko!

ang sweet naman pala ni fafa mo kasi maalalahanin sya sa bahay nyo. practical nga! imagine naisip nyang magdala ng alkitran! hehehe. At wag ka, pekeng bulaklak ang dala para nga naman wag malanta...hehehe

elibs na ako kay fafa

Anonymous said...

hehehe..ako siguro mapipikon..konti lang pasensya ko eh.

hindi ka nya sinanay para hindi ka maghanap pag mag-asawa na kayo..kakatuwang balikan ang nakaraan.

Anonymous said...

whoa after 5 years narinig ko na naman yung word na "naniningalang pugad"...


hehehe kakatawa naman lab story nyo. sana ganyan din kung manligaw ang future partner ko - makaluma.

nixda said...

hahaha! grabeh

mas maalalahanin naman nga! bihira ang mga lalaking ganyan. aanuhin mo naman ang romantikong manligaw kung kasal na pala eh maging kuripot sa mga bagay na talagang kailangan. swerte mo :)

hanga ako. 2 thumbs up!!!

Royce said...

Hello Katchi! Long time no blog noh?

Anyway, Thanks for relating a very personal, frank, and candid story about your lovelife. I truly enjoyed every minute reading it. I guess everybody in the whole world now knows your story hahaha.

Eh kamusta naman ang work nyo diyan ngayon? I hope all is well and everyhting is going on smoothly. Wala ng mga asungot noh?

I'll keep in touch as time permits since I'm really dog tired whenever I get home from work.

Mistyjoy said...

nag-enjoy ako sa kwen2 ng lab stori nyo, nakakatuwa iyong palalabs. kakaiba siya ha...ganyan ang hanap ko kaya lang bihira na ang katulad nya ngayon

Anonymous said...

i have never laughed this hard for soooo long, can't help the tears, am losing my breath....LOL. your love story is classic, love it.