Friday, May 12, 2006

Ang Pag-uwi ni Promdi

Kahirap ng walang trabaho. Nakakainip! Lahat ng gawaing-bahay natapos ko na. Ubos na ang labada, tapos na lahat ang palantsahin, na-vacuum na buong bahay at nakaempake na rin ako. Handang-handa na at inip na inip na sa pag-uwi.

Naalala ko pa sa isang entry ko noon. Sabi ko ron nagsasawa na ako sa pagtatrabaho, gusto ko sa bahay na lang para maalagaan ko mga anak ko, akalain ko bang marinig agad ni Lord. Dapat talaga mag-iisip muna bago mag-special request.

Sa kainipan ko, pinag-aralan kong maglagay ng kolorete sa mukha. Hindi ho ako mahilig mag-make-up pero ewan ko ba kung ano nakain ko at sukat na pagdiskitahan ko mukha ko. Siguro dahil sa tumatanda na kaya pilit nagpapabata. Dismayado naman ako dahil nagmukha akong payaso. Tanong tuloy sa akin ni bunso, ano daw nangyari sa akin. Bilis ko tuloy inalis.

Kaya ngayon heto ako sa harap ng computer at tumitipa. Gusto ko lang pasalamatan si TITO Royce ( para akong nanalo ng kung anong award no?) Napakahusay magbigay ng mga payo at suhestiyon ng mamang ito. Sabi ko buti andyan sya para bantayan si promdi at sinasabi ko po sa inyo na oo't mag-aanim na taon na ako rito e ignorante pa rin kumbaga. Pakiramdam ko pa rin e para akong si Jane (ni Tarzan) na napadpad sa sibilisasyon.

Sa 39 years kong nabubuhay, Maynila at itong Isteyts lang ang napuntahan ko. Pag nga naluluwas ako ng Maynila noon, amazed na amazed na ako! Karaming sasakyan litong-lito ako sa pagtawid ng kalsada! Sa kaignorantehan ko nga, pag nasakay ako ng bus, nagsusuka ako. Pag naman ako'y napadpad sa Mall, lito rin ako sa dami ng mabibilhan ng pagkain sa Food Court.

Lalo na ho akong nalito nung napunta ako rito. Panay ang singhot ko ng hanging amerika at kabango! Dun sa unang bahay na tinuluyan ko, inabot ako ng dalawang oras sa banyo sa kakaisip kung pano ako makakaligo dahil napakalamig ng tubig! Hindi ko alam kung pano timplahin ang mainit na tubig. Katagal kong nakatitig at pihit ng pihit sa lintok na gripo. Sa loob-loob ko nga, kahirap naman pala rine, akala ko pinadali lahat dito e bakit paliligo lang e pinahihirapan ako. Nakaligo din naman ako pero pagkatapos e hindi ako makasalita at nag-locked yata ang bagang ko sa lamig. Maghapong kumakapak ang baba ko sa ginaw. Dyan ko nga naisip yung sinabi ni LOLO Royce..ehe..Tito lang pala... na pag hindi mo alam ang isang bagay/gawain de magtanong ka at solve ang problema.

Pasensyahan nyo muna ako. Makikigaya lang ako sa ibang blogkada na naka temporary leave sa pagba-blog. Iaayos ko kasi itong bahay para maganda naman pagdating ng mga anak ko. Sabik na sabik na talaga akong makauwi sa atin. May listahan na nga ako ng mga ipapaluto/kakainin / pupuntahan pag-uwi namin.

Tanong nga ng tanong ang mga kamag-anak namin kung kailan kami uuwi, hindi namin sinasabi para surprise! Magulat na lang sila na isang madaling-araw e may kumakatok sa mga pinto nila at bubulaga sa kanila e kami. Susulit-sulitin ko na uwi ko at panigurado na matatagalan ang kasunod nito. Iniiyakan na nga ako ng tatay ko kasi baka ito na raw ang huli naming pagkikita na buhay sya kasi wala na raw dahilan pa para umuwi ako uli dahil kasama na namin ang mga bata pabalik dito. Ayokong magsenti at nakupo di nyo lang alam, super iyakin po ako. Ngayon nga lang na imaginin ko yung paalaman naming magtatay at magkakapatid e naiiyak na ako.

Basta bago ako bumalik dito kailangang maiayos ko ang puntod ng nanay ko. Yun man lang maramdaman nya na hinding-hindi ko sya nakakalimutan. Mahal na mahal ko ang nanay ko. Malas nga lang at hindi man lang inabot ang pangingibang-bansa ko. Hindi na sana nya titipirin ang pag-inom ng gamot kasi walang pera. Hindi na sana titiisin ang sakit ng dibdib dahil sa walang pera. Hindi sana sya nawala sa amin ng maaga. Hindi man lang nya nakita ang mga apo nya sa akin na syang pinakahiling-hiling nya. Minsan maramot ang pagkakataon.

Teka lang! Sabi ko ayaw kong magsenti, ayan naiiyak na ako talaga..whahhh!!! Babu na muna. Kita-kita na lang uli sa aking pagbabalik. Mahal kong bayan, here I come!!!

3 comments:

Ann said...

Ingat sa pag-uwi, sana masulit yung haba ng panahon na di mo kasama pamilya mo. Don't feel guilty tungkol sa tatay at mga kapatid mo, maiintindihan nila na may sarili ka na ring buhay kasama mga anak at asawa mo.

At si tito Royce wag mo tatawaging lolo, lagot ka pag EB nyo sa pinas.

Happy trip!

Mmy-Lei said...

Ingat po kyo Tita. Wag ka na mag-isip ng iba pa problema. Enjoy your stay with your family.

Bait talaga ni tito Royce. Pektyur sa EB ha!

SarubeSan said...

sama ako.... kasya ako sa bagahe nyo ate pramis! hehehehe