Friday, January 25, 2008

Private Nurse

Hindi nakapasok ang asawa ko kanina sa trabaho. Lumala ang matanda! Lalong nawala ang boses, nilagnat uli at very dry ang ubo. Gumawa na sya ng appointment at kaninang hapon kasama si Kaye, dumiretso sila sa ospital. Naiwan ako sa bahay para naman bantayan si Kyle na may sakit pa rin.


Niresetahan na sya ng antibiotic at Lidocaine Hydrochloride. Inaadvisan pa nga sya na magpahinga pa at wag munang pumasok bukas pero matigas ang ulo. Papasok daw sya.


Aga ko gumising kaninang umaga. Alas sais pa lang kasi hindi sya makatayo kaya ako nag-asikaso sa mga bata. Napilitan tuloy akong magluto. Sabagay madali lang naman niluto ko, pritong itlog, hotdog at bacon.


Ako rin naghatid sa kanila sa school. Si Kristine, hinatid ko sa bus stop ng mag-aalas siyete. Pagsakay ng school bus, uwi ako at si Kaye naman ang hinatid ko. Napakaginaw pa naman! Pag-uwi ko tuloy, nagtalukbong at natulog uli ako.


May sakit pa rin si Kyle. On and off ang lagnat, grabe ang ubo at wala ring boses. Puro bulong lang kami mag-usap. But the good thing is, okey na ang ihi nya,negative na sa ketone. Bumaba nga ang sugar nya around midnight (67) kaya sinuspend ko muna yung pump at kahit tulog, pinainom ko ng orange juice at pinakain ng crackers. Mga ala-una, umakyat na sa 94. Hinintay ko pa na tumaas ng konti bago ko ni-resume. Kailangan kasi mga 100 bago ko uli i-on ang pump. Mga 1:30 a.m. nasa 97 na sya.


Mga 2:30 a.m. pinainom ko naman ng gamot at tsinek uli ang dugo. Nang masiguro ko na okey na sya, natulog na ako. Nagising ako uli nung nag-alarm na yung cellphone ng 4:00 a.m. para i-check uli ang dugo at temperature nya.


Ang tahimik ng bahay. Palibhasa'y malat pareho yung maiingay. Puro tunog ng TV ang maririnig at manaka-nakang hagikgikan ng dalawang babae sa itaas at madalas na pagtahol nitong dalawang pasyente ko. Si Kyle walang ganang maglaro. Gusto lagi lang nakadikit sa akin. Nakalayo lang ako sa kanya ngayon kasi tulog na naman. Pagkatapos nyang maghapunan, nahiga na at pagod daw sya. Ganon din sya kagabi, tulog ng tulog e pag ganon mas lalo akong kabado kaya wala akong ginawa kundi tusukin sa daliri kada dalawang oras para masiguro kong ayos.
Hay hirap! Pati tuloy ako matamlay....o baka naman SAD (Seasonal Affective Disorder aka Winter Depression) na ito? Di kaya?


Meron din palang ganito pag summer?! Ang tawag naman Reverse Seasonal Affective Disorder. Ano ba yan! Kung anu-anong klase ng depression meron dito sa Tate, nakakaloka!!!

No comments: