Tungkol ito sa isang kaibigan. Naaawa ako sa kanya. Mas may edad sa akin at ako ang kapalitan nya sa trabaho pag gabi para makabawi sa puyat. Nag-aalaga sya ng mag-asawang parehong may kahirapan asikasuhin. Yung lalaki mabait pero nag-uumpisa ng lumala ang alzheimer's. Yung babae maldita panay sigaw at maya't maya tatawagin ka. Yun bang tipong wala syang ideya na tao ka pala at marunong mapagod.
Maghapon at magdamag na sila-sila lang ang magkasama. Live-in kasi sya at isang araw lang ang day-off na kadalasan e wala pang mapuntahan kaya ang ending, dun din sya nakakulong sa kwarto nya. Napakalungkot ng ganong buhay. Ba't di ko malalaman e naranasan ko na kaya yun. Para kang maloloka lalo na pag may problema pa sa 'pinas.
Itong kaibigan ko, marami na syang napuntahan. Sa Hongkong, Macau, Europe at huli dito nga sa Tate. Iba-ibang lugar pero pare-pareho ng trabaho....magpaalila sa banyaga. Tayong mga pinoy, okey lang kahit hirap ang loob at katawan basta may pangtustos sa naiwan sa Pilipinas. Kahit na yung mga mahal sa buhay na sinasabi ko e edad 23- 25 na, na kay ina pa umaasa. Hiwalay sa asawa itong kaibigan ko kaya mag-isa nyang kinakaya ang pagpapaaral sa mga anak na hanggang ngayon e wala pa ring natatapos dahil palit ng palit ng mga kurso.
Regular ang padala nya ng pera sa dalawang anak, isang lalake at isang babae. Bukod pa sa nakukuha nilang renta kada buwan sa paupahan nila sa Manila at bukod pa uli yung extrang hingi dahil sa "kuno" kailangan ng ganito, ganyan sa eskwela. Hindi naman natin sya masisi dahil tulad nya, ganon din ako nung nasa Pilipinas pa mga anak ko. Feeling ko kasi yun lang ang paraan para kahit papano makabawi ako sa pagkakalayo namin. Sa paraang sa pera na lang pinupunan ang pagmamahal na dapat sana e sa halik at yakap at personal na pag-aalaga mo maipapakita.
Pero hanggang saan ang paghihirap at pagsasakripisyo ng isang magulang para sa anak? Lalo't ang anak na pinaglalaanan mo ng lahat ay wala namang pakundangang magpasarap sa perang halos dugo at pawis ang kapalit bago kitain? Sa anak na gusto mong mapagtapos bago man lang maubos ang lakas mo na syang puhunan mo sa trabaho? Sa anak na araw-gabi syang laman ng isip mo kung kumain na ba, kung wala bang sakit, kung okey lang sila...sa anak na syang inspirasyon at lakas mo para labanan ang lungkot at kayanin ang lahat ng hirap?
Sa anak na buong akala mo'y nagpupuyat gabi-gabi sa pag-aaral yun pala'y sa sugalan inuumaga? Sa anak na ipinagdarasal mo gabi't araw na ilayo sa masamang bisyo at barkada pero daig pa ang pugon sa paghitit ng sigarilyo at tila buslong butas kung uminom ng alak? Sa anak na sinusustentuhan mo dahil hindi pa nila kayang tumayo sa sarili nilang mga paa pero may binubuhay at pinag-aaral pala? At di ba't napakasaklap kung malaman mo na ang gumagawa non e yung anak mo pang babae? At ang inaalagaan ay edad disi-sais lamang at BABAE rin?
Daig mo pa ang sinaksak sa dibdib ano? Sabi ko nga kay 'igan, di na bale kung sya'y girl, boy, vakla, tomboy anak mo yon. Tanggapin mo kung ano sya pero ang masaklap, ni sarili nga nya di pa nya kayang buhayin, bubuhay pa ng iba? At ang pinangtutustos e datung ni Madir, di na yata tama yun. Dapat yan turuan mo ng leksyon. Alam nyo ba ginawa ni frend? Pinalayas ang kaluskos-musmos sa bahay nila at pinakulong si Adan na nagkatawang Eba. Isang linggo lang daw para magtanda.
Kung kayo nasa lagay nya, ano gagawin nyo? Ako? Tatawirin ko na lang ang tulay pag nandyan na....
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
3 comments:
23 palang ako pero nararanasan ko na magalaga ng banyaga..hehehe pero ok lang kesa naman ibenta ko katawan ko para mabuhay. teke pag binenta ko katawan ko kawawa ako.. kawawa kasi wala namang bibili/papatol! hahaha
marami sa kakilala ko sa pinas na ka edad ko pero nakanganga pa rin sa magulang! maswerte ako kasi natuto ako maging independent simula ng grumaduate ako sa kolehiyo nung 2001.
Minsan kasi hindi na natin alam ang tama o mali, tama bang malayo sa mga anak para maibigay yung gusto nila pero kapalit ay pagkaligaw naman ng landas dahil sa kawalan ng guidance. Pero meron din namang mga anak na may matinong pag-iisip at alam ang sakripisyo ng magulang.
May kasamahan kami rito, 2 lang anak nya parehong lalaki, nag-asawa pareho ng di tapos kaya sya pa rin ang bumubuhay pati sa mga apo. Pinag-aaral pa nya ulit ang mga anak ngayon para hindi maging lifetime yung suporta nya. Nakakaawa pero parang happy naman sya sa ginagawa nya. Ganyan yata ang magulang. Walang hanggan ang kayang gawin para sa mga anak.
araykupo! ang sakit naman ng batok mo tita! umabot dito sa gitlang silangan!
guilty ako dito, lalo na yung tipong gimik sa gabi at sasabihin na may term paper. pero matino pa naman ako.... hehehe
ngayon ko rin naramdaman ang hirap ng mga magulang ko sa akin, lalo na at malayo rin ako sa kanila at may nakalaang responsibilidad pa.
Post a Comment