Wednesday, November 01, 2006

Mother Dear

Napakatagal na nating di nagkita, miss na miss na kita. Napakarami ng nangyari at nabago sa buhay ko simula noong Pebrero 28,1989. Tandang-tanda ko ang araw na iyan dahil yan ang araw sa buhay ko na kinatatakutan kong dumating at hanggang ngayo'y hinihiling na sana'y di na dumating pa. Ang araw na ibinuhos ko lahat ng luha ko sa paniniwalang sa pagtulo at lakas ng sigaw ko ay maibabalik ko kayo...sa pag-aakalang baka pag umiyak ako ng umiyak ay magising kayo sa mahimbing ninyong pagkakatulog. Napakasakit Inay. Hindi ko alam kung paano haharapin ang bukas na wala kayo sa tabi namin. Ayoko na ring mabuhay.

Bilang ina, alam ko ayaw nyo ng gaanong attitude na basta na lang susuko. Kaya siguro kahit nakaburol pa kayo, gumawa kayo ng paraan para hilahin ako patayo mula sa malalim na depresyon. Isipin nyong puntahan ako ng "trabaho" sa bahay natin? Siguro naisip nyo na komo right after graduation, sa Heart Center na tayo tumira ng kung ilang buwan dahil sa sakit nyo, feeling nyo siguro kayo ang nakapigil sa akin sa pagjo-job hunting. Kagustuhan ko yon Inay. At believe or not, yung experience ko na yun sa ospital ng halos pitong buwan ay napapakinabangan ko ngayon. Pag nga binabalikan ko yung nakaraan, I can't help but think na talagang hinanda nyo ako para sa kinabukasan, sa magiging buhay ko sa ngayon.

Naalala ko pa, lagi nyong sinasabi noon na sana bago kayo pumanaw, makita nyo man lang ang mga apo ninyo sa aming huling tatlong mga anak nyo na wala pang asawa. Medyo hindi tayo napabigyan ni Lord don. Hindi Nya na rin siguro matiis yung makita kayo na namimilipit sa sakit ng dibdib.

Kami rin ho ni Robert ang nagkatuluyan. Si Kuya Ed at Ate Edith rin at si Kuya Ike at si Gigi. Tatlo ho ang naging anak namin at naku nay, may apo kang american citizen! Mga green card holders na rin kami at yun nga ang dahilan kung bakit matagal akong hindi nakadalaw sa inyo. Nandito na ho kami ng mga bata sa Iowa. Nakuha namin sila nitong June lang. At talagang itinaon namin na umuwi ng June para nandon kami sa birthday nyo. Ang saya nga nung June 1. Nagsalu-salo kaming magkakapatid, lahat ng apo nyo nandon, kagulo pero masaya! Binging-bingi nga si itay sa karaoke e. Tapos non, pumunta kami sa puntod ninyo at dun tinuloy ang kwentuhan para kahit papano, ma-update naman kayo sa tsika.

Si Kuya Ed at Ate Edith tatlo na rin ang mga anak, kabaligtaran namin. Sila dalawa ang lalaki at isang babae, kami e dalawang babae at isang lalaki. Si Kuya Ike at Gigi, dalawa--isang babae at isang lalaki. Kung nandito lang kayo matutuwa kayo dahil sa amin lang kayo nina Kuya bumawi pagdating sa apong magaganda!

Ang Itay naman ho, sa awa ng Diyos ay malakas ang katawan considering na hindi na sya nakakakita dahil sa glaucoma at may emphysema pa. Regular nga ho ang punta nya ng doktor para kung ano ang problema ay maaksyunan agad. Wag ho kayong mag-alala at hindi namin pinababayaan ang Itay.

Ang mga apo nyo naman na sina Kaye, Kristine at Kyle ay ayos lang din lahat. Yun nga lang si Kyle medyo nakuha na agad yung mana nya sa lahi natin--diabetes. Pero wag kayong mag-alala, dito pa ba naman sa Amerika? Ang mga dalaginding ko naman ho ay nakaka-adjust naman ng maayos sa paraan ng pamumuhay dito. Sa schools ho'y humahataw din kaya sana magpatuloy. Si Kristine ho e dalawang beses na-accelerate at nung Parent-Teacher Conference dito, nagulat kami kasi nung inabot ng teacher ni Istin yung folder may ribbon, honor student pala! Ang mga grades nya straight As! Si Kaye naman ho ay ganon din puro A bukod sa Physics na ang nakuha nya e C. Sayang nga e. Sabi ko nga yung Pre-calculus na pinasusubok palang pakuha sa kanya kung kaya nya e A ang grade tapos dun sa Physics na yun na talaga level nya e C? Masyado daw kasing mabilis magsalita yung teacher nya tapos nasa may gawing likod pa sya. Nangako naman na pagbubutihin nya next time. Ayoko namang ma-pressure sa pagna-nag ko at teacher na rin ang nagsabi na give her time at ilang buwan palang naman daw dito. Ngayon nga kakatanggap ko lang ng text, sabi nya B na raw, malapit na sa A.

Alam ko Nay kung nabubuhay kayo, matutuwa kayo sa kanila. At alam ko rin na magiging proud kayo sa akin dahil kahit papano may na-accomplished na ako ng konti. Naalala nyo ba nung minsang magpahula kayo ( e hindi naman kayo naniniwala don, nakatuwaan nyo lang) sabi sa inyo may anak kayong makakapag-abroad? Sabi nyo pa nga sa akin baka ako yun at nakikita nyo sa akin na ako ang makakagawa non? Well, heto na nga Nay. Sugod ako rito sa Amerika na bitbit ay maleta, dala ang pangarap at baon ay dasal. Walang kakilala, di alam ang pupuntahan hindi alam kung paano magkakapapel pero tuloy pa rin dahil dala ko sa puso ko ang hangaring matupad ko ang pangarap nyo.

Pagpasensyahan nyo na sana kami at hindi kami nakadalaw sa puntod nyo ngayong Undas. Pero wala man kami ron, hindi kami nakakalimot sa pagdarasal at hinding-hindi namin kayo malilimutan.

Miss na miss na kita Nay...mahal na mahal ko kayo...sa muli nating pagkikita...

Ang inyong nagmamahal na bunsong anak,

Len-len

No comments: