Saturday, November 18, 2006

Pano Mo Kakamutin?

Nung bata pa ako, may tiyahin ako na kahit hirap sa buhay e parang wala lang. Okey lang sa kanya kahit lumipas ang araw na hindi nya alam kung papano hahanapin ang susunod na kakainin. Siguro dahil sa mahirap na nga ang buhay e lalo pang hihirap kung dadaanin sa reklamo at init ng ulo.

Matagal na syang patay pero bigla ko lang syang naalala. Siguro dahil sa mga kakaiba nyang dayalog pag sinasabihan nya ang mga anak na kahit galit na sya e may touch pa rin ng humor ang pagmumura nya. Pinag-isip nya ang inosente, busilak at dalisay kong utak sa mga salita nya, tulad nito:

"Ano ba, gabi na a! Umuwi na kayo! Madilim na nandyan pa kayo sa labas baka isipin ng mga tao MALANDI PA KAYO SA BUBULE." Isip tuloy ako, pano ba maglandi ang bubuli? Meron bang ganon? Kaya ang ginawa ko minsan, pumunta ako sa likod-bahay namin,sa may palayan at sagingan at naghanap ng bubuli. Pinagmasdan kong mabuti kung panong maglandi, ayaw namang gumalaw at nakipagtitigan lang din sa akin. Nung tumayo ako biglang kumilos ng napakabilis na parang kumakandirit. Yung katawan nagkandapili-pilipit. Kaya ang konklusyon ko, siguro dahil sa magaslaw na galaw kaya nasabi nya yung malandi pa sa bubuli.

"PAKARAT! PATUTOT!" Isip uli ako, ano kaya koneksyon non sa torotot? Dahil ba magkatunog lang sila o may koneksyon talaga?

"MAKATI PA SA GABE." OO talagang makati yun dahil pag tinutulungan ko noon ang inang na magbalat ng bunga at tangkay, nagkakati talaga kamay ko. Komo nga hindi pa nababahiran ng kabastusan ang mura kong isip, hindi ko sya talaga ma-gets.

"MAKATI PA SA HIGAD." Yan talagang alam kong makati dahil nung minsang umakyat ang kuya ko sa puno ng sampalok at nahigad, talaga namang namantal ang buong katawan kaya pinaliguan ng suka ni inang. At agen dahil wala pa ngang bahid kamunduhan ang bubot kong isip, hindi ko rin sya na-gets.

"MAKATI PA SA GALIS-ASO." Ay! E teka lang pakati na ng pakati ito talaga! Parang gusto ko ng magkamot a! Kahit ano namang usisa ko kung bakit e wala namang magkainteres na magpaliwanag.

Fast forward.... Ngayon alam ko na yun. Mga metaphor lang pala. Sadyang ginawa/sinabi para hindi ma-gets na mga bata. Figure of speech tapos heto ako't literal ang hinanap na paliwanag.

Ngayon alam ko na dahil hinog na at bukas ang isip sa bagay-bagay sa mundo....charrriing! Ang totoo kamo mulat na sa kamunduhan! At ang ebidensya?

Heto.....

2 comments:

SarubeSan said...

hehehe sa bukid ako nag grade 5-6 kaya marami ding talinhaga akong naririnig..uso rin ang tsimosa kaya ayaw ko na tumira doon. kamag anak mo yun pa magtsi tsimis sayo..


buti pa kayo mag autumn pics..ako wala..panay ulan kasi..ni paghakot ngh dahon sa terrace di magawa kasi di uma araw..lol

Anonymous said...

Naalala ko tuloy yung titser namin sa grade one kapag galit sabi nya, "puro kayo mga utak-alamang." Tanong ko sa nanay ko yung alamang, sabi nya maliliit na isda (hipon) yon, sa liit eh wala nang paglagyan ang utak..hehehe.