Sunday, March 25, 2007
Kahit Naubos Na Ang Buhok Nya....
Birthday ng asawa ko....49 years old na sya. Ang tanda na! Marami na ngang puting buhok---pero hindi sa ulo kasi wa na sya hair dun---sa kilay at buhok sa ilong..hehehe...
Lagi nyang sinasabi na mamahalin nya ako kahit pumuti pa buhok nya na ngayon e nag-iisip ako kasi wala na syang buhok na puputi, nalagas na raw lahat dahil sa akin.
Ano ba sya bilang asawa? Let me count the ways...
Pasaway! Noon kasi malakas syang manigarilyo at uminom. Ayon nga sa kwento nya, kung saan sya bumagsak sa kalasingan, dun na rin sya sisikatan ng araw at tuloy na naman ang inuman. Ganon sya katakaw sa alak. Naalala ko nung magnobyo palang kami, galing kami sa bahay ng common friend namin at siyempre inuman na naman. Sa kwentuhan namin habang lumalakad kami pauwi, super kulit nya talaga! Paulit-ulit ang kwento, iyo't iyon! At sa hilo, tinawag akong pare sabay akbay-laseng sa akin. Kulang na lang talaga, itulak ko sa bukid! Naisip ko tuloy, sa lahat ng pinakaayaw ko e lasenggero yun pa yata ang babagsakan ko.
Pero nung ikasal na kami, unti-unting nabawasan yun. Dumalang ang tagay session with the barkada. Di na rin sya tumikim ng "hard" ika nga. Lumipat sya sa serbesa at may limit na. Hindi na nya kayang uminom ng higit pa sa dalawang grande. Hanggang sa huminto na sya ng tuluyan na walang pressure na nanggaling sa akin. Huminto sya ng kusa.
Ibang usapan naman pagdating sa sigarilyo. Kung anong bilis sa paghinto ng buga, sya namang gigil sa muling paghitit. Nandyang pati mga bata ginamit ko na para ma-guilty. Pati ako dinramahan ko na. Sya kako ang papatay sa amin. Mas una kaming magkaka lung cancer dahil sa second-hand smoking. Imbes na hintuan? Sa labas ng bahay nanigarilyo! May kanta pa nga kaming mag-iina sa kanya.
"Hitit-buga! Hitit-buga! Sunugin mo ang baga mo! Hitit-buga! Hitit-buga! Sunugin mo ang betlog mo!"
Akala ko effective kaso wala rin! Ngingisi-ngisi lang at tuloy pa rin sa hitit-buga. Hanggang sa dumating ang taong 1999 at bilang new year's resolution nya raw (drumroll pls!) hihinto na raw sya sa paninigarilyo. Hindi ko na kinantiyawan at baka mainis at bawiin pa, kaya quiet lang ako.
Maaliwalas at mabango ang hangin sa bahay. Walang amoy usok, walang pollution. Maluwag ang paghinga naming mag-iina. At higit sa lahat, wala ng magkakasakit sa amin sa baga. Hanggang isang gabi....
Panay ang pilit nya na matulog na raw kaming mag-iina at may pasok pa kami bukas. Kesyo gabi na, mapupuyat na kami at mahihirapan na naman sa gisingan sa umaga. Ako naman siyempre tanggi! Kahirap kayang matulog ng hindi naman inaantok! Sa huli nakulitan na ako kaya inaya ko na mga anak namin sa kwarto, sinara ang pinto, pinatay ang ilaw at nahiga na kami. Hindi naman ako makale at naintriga ako kung bakit ba pilit kaming pinatutulog. Bumangon ako at dahan-dahang sumilip sa siwang ng pinto. Dun nakita ko ang matanda (yan ang tawag ko sa kanya) nakahilata sa sofa ng medyo patagilid na sa una'y akala mo nanonood lang ng tv....ng biglang nyang iangat yung kamay nya at humitit ng pagkahaba-
haba! Sigarilyong-sigarilyo na pala ang damuho!
Hindi ko sya sinita nung gabi na yun. Nag-obserba lang ako kinabukasan. Hinanap ko yung pinag-upusan, wala. Mahusay pumitik sa loob-loob ko, ni sa bakuran wala akong nakita. Binuko ko na lang nung pinatutulog na naman kami. Humagalpak ng tawa nung sinabi ko na asim na asim na siguro sya kaya sige na naman sa tulak sa aming matulog. Sinawaan na rin ako sa kadadakdak.
Hanggang sa dumating ang January 10,2000. Araw ng alis ko sa Pinas. Kinalipatang buwan, Pebrero, huminto na sya ng tuluyan sa paninigarilyo. Nakunsensya siguro...hehehe... Agen, walang pressure galing sa akin. Sya na uli nagkusa. Basta, minsang pag-uusap namin sa telepono, sinabi nya na huminto na sya....na sya namang pinatotohanan ng mga anak ko.
Mga ten years na siguro syang hindi umiinom, walang alcohol, walang serbesa, ni soda basta tubig na lang ngayon. Sa sigarilyo naman, mga pitong taon na. Ngayon pati sya nababahuan na sa usok ng sigarilyo.
Babaero! Nalaman ko sa kaibigan namin na nung nililigawan nya palang ako, marami palang nobya sa Maynila ang loko. Huli na nung mabuko, sungkit nya na ang matamis kong oo. Dumating kami sa puntong nanghihingi ako ng cool-off kaso ayaw pumayag. Pagbigyan ko raw sya. De pinagbigyan kaso matulis talaga. Yung latest gf nya na sabi nya'y hiniwalayan nya na e hindi pala. Nabuking ko kasi nakita ng pinsan ko sa Araneta sa Cubao na kasama yung chickas nya. Nakakunyapit pa si babae na nung tinawag sya ng pinsan ko, ang bilis ng kalas pero huli na dahil kita na sya no! Nahiwalayan nya rin naman kahit yung babae na ang nakikiusap na kahit other woman na lang daw sya. May sumunod pang isang insidente dun na talagang super sakit sa akin na hindi naman na ako makakalas dahil nagpa-SM na kami nung nalaman ko, impak, oras lang ang nakararaan nung makarating sa akin.
Alam nya kung gaano ako nasaktan.... at alam ko rin kung gaano ang pagsisisi nya....at nagpapasalamat ako dahil yun ang huling heartache na binigay nya sa akin and that was 17 years ago. Sabi nga nya, tatlo na babae nya and that's more than enough for him.
Makalat! Kailangan mong sundan sa ginagawa. Gusto nya yung mga gamit nya tanaw palagi ng mata nya, pag naitabi ko hindi na nya makita. Yun bang tipong naiba lang ng pwesto o natabingan ng konti, wala na, call na nya ako...super woman to the rescue!
Opposite kami. Magkabaglitad kami ng gusto na okey naman sa relasyon namin. Sa trabahong bahay lang magkasundo kami. Ayaw na ayaw ko kasing magluto, buti na lang masipag syang magluto. Sabi ko nga paglinisin nya na ako ng bahay at paglabahin wag lang paglutuin. Sa pagkain, hindi ako mahilig sa karne. Kahit puro gulay ang ipakain mo sa akin, okey. Sya hindi mo mapakain ng gulay na walang pritong karne o isda. And speaking of isda, ayaw ko ng tiyan ng bangus, yun naman ang gusto nya. Ayaw ko ng kiti sa balot, yun ang type nya. Gusto ko ng maasim, maalat at matamis, lahat yun ayaw nya.
Pero ang talagang naa-appreciate ko sa araw-araw na ginagawa nya e yung pagkagising ko may kape na akong nakatimpla. Magbuhat ng maging mag-asawa kami hindi nya nakakalimutan yun. Isa pa e yung tuwing aalis at darating mula sa trabaho, lagi kaming may kiss na mag-iina. At sa tuwing makakarating sya sa pupuntahan nya, hindi nakakalimutan na tumawag sa akin para ipaalam na ayos ang naging biyahe nya. Malayu-layo rin kasi ang pinapasukan nya dito sa bahay. Pahabol pa pala...hindi sya makakain hanggat hindi kumakain mga anak nya.
Sa lahat ng kanyang katangian at sa kabila ng kanyang mga kapintasan, minahal ko sya at patuloy na mamahalin habang ako'y nabubuhay. Nagpapasalamat ako sa patuloy nyang pagpapasensya sa lahat ng kaberatan ko, sa immaturities ko, sa kakulangan ko...
I am truly blessed to have this man in my life and really honored to be the mother of his children.
I love you kuya...now & forever..... Happy Birthday!!!
- Bunso -
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
8 comments:
happy birthday po kay Mr! More blessings to come, happy and contented life. Saka good health na rin.
"salamat po pala sa pagbisita sa aking munting blog"
tenk u tsang...at saka wala yun..akala ko nga nawala ka na kasi yung dati mong blog wala ng update hanggang sa nawala na sya talaga..buti at napasyal ako bahay ni manay ann at nakita ko name mo ron...
i wish the same for you and ur husband...God bless!
happy birthday sa inyong mahal na kabiyak!
vem,
naku, tenk u day ha? ur beri totful...musta na dyan sa lugar mo? maulan na no?
helo na lang ako to ebri ol...mwahh
Happy Happy birthday kay tito promdi. Natawa ako syo wala na bang puputing buhok sa ulo, di kaya naubos yan sa kunsumisyon...hehehe.
Minsan mas effective nga talaga yung tatahimik ka na lang kesa dakdak ka nang dakdak sa mga bagay na ayaw mong gawin ng asawa mo. Mas nakaka guilty yun. Ako rin, tama na yung minsang sinabihan ko sya ng ayaw ko. Ulitin at gawin nya bahala na sya run basta ako tahimik na lang na nakikiramdam.
Ikaw ba yung len sa blog ko?
halu manay ann!
musta na? e totoo naman kasi, wa na sya hair no at korek sa kunsumisyon sa aming mag-iina! hahaha...
pasalamat si fafa ko kasi pagod na ako sa trabaho kung hindi, hindi pa rin ako hihinto sa kakadakdak..wala na lang akong energy e...hehehe..
pero in fairness, mabait sya talaga, super haba ng pasensya sa aken..
oo ako nga si len... isa sa marami kong alias...hahaha!!!!
huli man daw at magaling ... huli pa rin :D
Happy Birthday sa fafa mo :)
neng, tenk u beri big for the beri leyt griting...sabay ganon pa no? kidding aside, tenk u talaga...
ano ba pinagkakaabalahan natin dyan?
God bless!
Post a Comment