Monday, January 16, 2006

Round and Round it goes...

Nung una akong nagtrabaho bilang caregiver sa California, natuwa ako kahit papano kasi puro mga kapwa ko pinoy ang mga kasama ko at pati na amo ko. Pero di nagtagal, nainis na ako kasi talagang may mga taong may talangka sa ulo. Nag-umpisa na ang intriga, tsismis, kampihan at sipsipan. Kaya nasabi ko sa sarili ko, na hahanap kaming mag-asawa ng trabaho na ganito rin pero kung maari e mga kano na ang kasama namin dahil akala ko, iwas intriga at tsismis. Naku! laking pagkakamali ko... ngayon ko narealized na ma-kano, ma-pinoy nandun yung nature na yun kaya sabi ko nga wala sa kung anong lahi ka o saan ka galing "it's human nature" na mainggit sa kapwa. Nasabi ko ito kasi yung mga ugaling iniwasan ko sa California e yun din pala ang babagsakan ko dito. Sa umpisa, okey ang working relationships namin ng kasama kong puti dito pero habang nagtatagal, mapapansin mo na akala mo nagke-care sila sa iyo pero hindi pala at kapakanan lang din nila ang iniisip nila. Mahilig din sila sa tsismis at sa pagtira pag nakatalikod ka. Siguro iniisip nyo, baka nasa akin ang problema. I beg to disagree. Hindi ko ugali ang sumipsip at tumakbo sa amo pag may nakitang palpak sa isang katrabaho, kalahi man o hindi. Tahimik ako, pag may iniutos, oo ako hangga't makakaya ko. Sa sobrang pakikisama, kahit hindi ko trabaho ginagawa ko makatulong lang ako, na yung pagtulong na yun, hindi nakakarating sa amo, sa akin na lang. Ang hirap sa mga puti, pag may inutos na beyond their job descriptions e ayaw nilang gawin, sa ating pinoy okey lang lalo't hindi naman mahirap, eksampol: natanggal ang butones sa palda ni lola dear, nakiusap na kung pwede pakitahi ko, so okey, tahi naman kahit di ko alam manahi. eto na ang mga bulong: "why did you do it? pretty soon it will be in your job description, don't allow them to do that to you blah,blah, blah..kaya di nagtagal tinatanggihan ko na pag may pinatatahi sa akin the reason for that is eto: Oh great! does that mean I have to do it too?" Pakiramdam mo non, super sepsep ka na. So kawawang matanda, magtiis ka pag nawalan ng isang butones ang iyong palda. heto pa sampol: bertdey ni lola, e gustung-gustong nagbababad ng paa sa palanggana dahil madalas masakit ang mga daliri, na per advised din nila e i-soak daw ang feet sa warm water at epsom salt. Nasabi ko na titingin ako ng sale na foot spa, yung maliit lang pero may iba-ibang setting ng pangmasahe? yun kako ang gift namin sa kanya. Heto ang banat ni kana:"That's too expensive, she's a millionaire. Why do you have to buy it for her?" And besides that means more work for you...and me." So hindi ako bumili at damay daw sya sa trabaho. Kinabukasan, heto, dyaran!!! may dalang foot spa ang kana! o sey mo di ba? Kainis ano? Ngisi na lang kaming mag-asawa.

Kaya ko nabanggit ito kasi magkakaroon ng changes dito sa schedule ng trabaho namin. Nakikiusap ako na kung pwede e maging per hour din sana ang rate ko tulad nila. Dalawa kasi yung kasama ko rito yung isa mas senior na sa amin tawagin nating mayordoma. Yung isa si Kulasa. Nailakad ni Mayordoma na mataasan si Kulasa pero pagdating sa akin, e sigurado raw di papayag ang amo dahil magti-triple ang kita ko. Isiping mong katwiran yan, kainis di ba? Ako 84 hours a week ang trabaho ko, si Kulasa, 48 at si Mayordoma, 36 hours. Ako pa lahat pag weekend at ayaw daw nilang magtrabaho ng weekend. Ako pinakamaraming oras ng trabaho pero sa sahod ako pinakamaliit. Sabi pa ni Mayordoma, kailangan daw pantay-pantay ng trabaho lahat maglilinis. Pumiyok na ako kasi di na yata tama yun no? Kaya sabi ko, "don't expect too much from me". "Why? because you have a baby?" Banat ni Mayordoma. Nakakapikon minsan pero kailangang magtiis para sa mga anak. Alam kasi nila na wala akong magagawa kung ano man ang ibato nila sa akin kasi nga sa lagay namin, na may anak na may diabetes, kakukuha ng bagong bahay, di pa bayad yung kotseng hinuhulugan tapos darating pa yung dalawa kong anak dito, kaya alam nila di ako bibitiw. Sabagay, okey lang. May katapusan din lahat ito. Sabi nga ang buhay parang gulong lang yan, minsan nasa ibabaw, minsan nasa ilalim. Ang lagay ko ngayon e nasa ilalim, nalubak pa yata....help!!!!

Sunday, January 08, 2006

New year, new beginning...

Bagong taon, bagong pakikipagsapalaran. Sa mga nangyayari sa buhay naming mag-asawa particularly sa mga anak namin, nagdesisyon kami na isa sa amin e lumabas na dito sa trabaho namin at humanap ng iba. Yung regular at pangmatagalang trabaho, yung may health insurance. Napakahirap pag wala ka nito sa tate, mamumulubi ka talaga. Ang survival mo lang non e from paycheck to paycheck na mahirap para sa min dahil may tatlo kaming anak at may mga health issues pa. Kaya nitong mga huling araw, sumubok umaplay ang asawa ko at awa ng Diyos at sa tulong ng mababait na "kapitbahay", natanggap sya. Mag-uumpisa na sya sa katapusan ng buwan. Mas lumiit ang sahod nya pero mas mabuti na yun kasi nga may job security na, hindi tulad dito. May edad na kasi itong alaga namin, kumbaga, any moment pwedeng mag-expire (wag naman). Dito pa rin ako sa lola dear ko bilang tanaw na rin ng utang ng loob sa kanila kasi sila ang tumulong sa amin na maging "legal" dito sa lupa ni Uncle Sam. Hindi ko lang alam kung papayag sila na 12 hours na lang ako magtatrabaho di tulad ng dati na 24 hours at hindi ko rin alam kung papayag na maging per hour ang rate ko. Bahala na. Sabi ko nga kahit anong itapon sa akin, tatanggapin ko. Hindi pa kasi ako sanay mag-drive at maliit pa itong bunso ko kaya di pa pwedeng umiba ng trabaho, ika nga. Yung makauwi lang ako everyday sa bahay ay magandang bonus na sa akin. Kailangan kasi, lalo at parating na rito yung dalawang anak ko. Kailangan may isa palagi na kasama nila sa bahay. Medyo nagsasawa na rin kasi ako sa trabahong live-in ika nga. Grabe ang stress! Okey rin sana kasi magkasama kaming mag-asawa araw-araw, gabi-gabi, 24/7 at maganda ang kita, kaso nga pano kung bigla na lang isang umaga e wala na pala kaming trabaho? Mahirap mabakante dito. Pag di mo pinaghandaan ang bukas, yari ka. Yung pinaghirapan mong magandang credit history, sa wala mapupunta. Kaya sa ngayon, ipon-ipon, bayad-bayad bills at ng walang sakit ng ulo...paghahanda sa New year....

Monday, January 02, 2006

Thy will be done....

nakaraan ang pasko at bagong taon ng ganon lang. hirap talaga pag nasa ibang bansa ka, yung mga special occassions e hindi na "special" kasi trabaho pa rin tapos malayo pa sa mga mahal sa buhay...kahirap.anibersaryo naming mag-asawa ngayon, 16 years na kaming "nagtitiis" sa isa't isa...joke! ganito na pala kami katagal na kasal, kung iisipin mo parang kailan lang. tulad nito, special occassion, dapat may celebration, kaso komo malayo kami sa dalawang anak naming babae at heto nagtatrabaho, parang wala rin.

minsan gusto ko ng magsawa sa set-up ng buhay ko.parang gusto ko, nasa bahay na lang at inaalagaan ang mga anak ko kaso hindi pwede.kailangang kumayod lalo pa at kakukuha lang namin ng townhouse at parating na rin yung mga anak na nasa pilipinas.minsan maiisip ko na lang na unfair ang buhay. hindi ko naman hinihiling na mangyari sa kapwa ko pero hindi ko maiwasang isipin na bakit sa amin nangyayari lahat ng problema. yung anak kong bunso may diabetes, three years old na sya pero nung ma-diagnosed e 2 years 8 months.lifetime na injections at pag-prick ng fingers, masakit yun a! nakakaawa nga e.sa umaga hindi pwedeng mag-sleep in at ang pinaka mahirap pa, pag gustong kumain, pinipigil namin, pag ayaw kumain, pipilitin naman. yung anak kong panganay, 14 years old, may scoliosis naman.mag-wa-one year na syang nagsusuot ng brace, mga 3 years pa raw.kailangan nyang suot yun 23 hours a day, aalisin lang kung maliligo.pati sa pagtulog suot nya kaya kung ikaw ang magulang, makita mo lang na natutulog yung bata ng mukang hirap na hirap sa brace nya at ni hindi makabaluktot sa tulog e talagang parang pinipiga ang puso mo. and speaking of puso, recently, nalaman namin na may problem din sa puso. may panahon kasing hirap syang huminga at parang hingal na hingal, tapos palaging pagod ang pakiramdam.pina-ecg namin wala namang nakita ang doktor kaso tuloy pa rin yung nararamdaman nya kaya nagdesisyon kaming kumuha ng referral para mapa 2D Echo sya at yun nga, may butas sa wall na nagse-separate sa right & left ventricle nya. in short meron syang Ventricular Septal Defect. maliit naman daw yung hole kaya hindi kailangan ng surgery pero nag-aalala pa rin kami kasi puso yun at may nararamdaman sya dahil dun.ginoogle ko nga e kaso sumakit lang ang dibdib ko sa mga nababasa ko kaya hinintuan ko na. mabuti nga at yung anak kong babae(gitna) e gumaling na sa sakit nya. pero noon palagi sya ang may sakit.nagka-H fever, may primary complex (baga) two years naggamot at medyo anemic. minsan tuloy naiisip ko, siguro kaya niloob ng Diyos na mapunta kami rito sa amerika na mag-asawa para makapaghanda kami sa mga darating na bagyo sa buhay namin, financially. noon pa pangarap ko talagang mapunta rito para mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga bata, yun lang, kaso biglang nagsulputan itong mga health problems.minsan nga tuloy naiisip ko baka kung nakuntento na lang ako sa pilipinas at hindi ko sila iniwan, siguro hindi sila magkakasakit,baka kako ito yung kapalit ng pagiging "ambisyosa" ko. pero tama bang mangyari sa akin ito?lahat naman ng pinlano ko at pinangarap ko hindi para sa akin, para sa mga anak ko, sa pamilya namin at sa magulang at mga kapatid. hindi naman ako selfish, hindi ako maramot....hay naku, hayaan ko na nga lang.ipagpapasa Diyos ko na lang lahat-lahat.Sya ang tanging may alam kung ano ang para sa kinabukasan, wala akong karapatang magreklamo (minsan lang , kasi tao lang naman ako) at lalong wala akong karapatang kuwestyunin ang mga nangyayari sa buhay ko. sabi nga "everything happens for a reason"....Lord, Thy will be done....