Wednesday, May 24, 2006

Humirit pa si Promdi

I'm back! Hindi..hindi galing ng Pinas kundi mag-a-update lang. Simula kasi bukas talagang hindi na ako makakapag-online dahil may raket si Promdi. Sayang din dagdag panggastos pauwi.

May nakiusap kasi sa aking friend na ako muna magbantay sa Lola Dear nya at kakaopera ng balikat. Aalis kasi sya papuntang Ohio at bibinyagan ang kanyang baby. Kaya simula bukas ng umaga nakabantay na ako kay Lola, uwi ko na non e Sunday night. Straight duty yun. Pumayag din naman na dalhin ko si Bunso kaya okey na okey. Tapos Monday morning go na kami sa airport papuntang Pinas. Wala e, mahigpit ang pangangailangan..heheheh.. Kaya basta may raket, hataw ng hataw. Nabanggit ko na ba na tumatanggap na ako ng labada at palantsahin? Kaya yung mga natatambakan dyan ng labada, hala tawagin na si Promdi at sasama ako kay Misty na maglaba sa ilog.

O ano? Tawag na!

Friday, May 12, 2006

Ang Pag-uwi ni Promdi

Kahirap ng walang trabaho. Nakakainip! Lahat ng gawaing-bahay natapos ko na. Ubos na ang labada, tapos na lahat ang palantsahin, na-vacuum na buong bahay at nakaempake na rin ako. Handang-handa na at inip na inip na sa pag-uwi.

Naalala ko pa sa isang entry ko noon. Sabi ko ron nagsasawa na ako sa pagtatrabaho, gusto ko sa bahay na lang para maalagaan ko mga anak ko, akalain ko bang marinig agad ni Lord. Dapat talaga mag-iisip muna bago mag-special request.

Sa kainipan ko, pinag-aralan kong maglagay ng kolorete sa mukha. Hindi ho ako mahilig mag-make-up pero ewan ko ba kung ano nakain ko at sukat na pagdiskitahan ko mukha ko. Siguro dahil sa tumatanda na kaya pilit nagpapabata. Dismayado naman ako dahil nagmukha akong payaso. Tanong tuloy sa akin ni bunso, ano daw nangyari sa akin. Bilis ko tuloy inalis.

Kaya ngayon heto ako sa harap ng computer at tumitipa. Gusto ko lang pasalamatan si TITO Royce ( para akong nanalo ng kung anong award no?) Napakahusay magbigay ng mga payo at suhestiyon ng mamang ito. Sabi ko buti andyan sya para bantayan si promdi at sinasabi ko po sa inyo na oo't mag-aanim na taon na ako rito e ignorante pa rin kumbaga. Pakiramdam ko pa rin e para akong si Jane (ni Tarzan) na napadpad sa sibilisasyon.

Sa 39 years kong nabubuhay, Maynila at itong Isteyts lang ang napuntahan ko. Pag nga naluluwas ako ng Maynila noon, amazed na amazed na ako! Karaming sasakyan litong-lito ako sa pagtawid ng kalsada! Sa kaignorantehan ko nga, pag nasakay ako ng bus, nagsusuka ako. Pag naman ako'y napadpad sa Mall, lito rin ako sa dami ng mabibilhan ng pagkain sa Food Court.

Lalo na ho akong nalito nung napunta ako rito. Panay ang singhot ko ng hanging amerika at kabango! Dun sa unang bahay na tinuluyan ko, inabot ako ng dalawang oras sa banyo sa kakaisip kung pano ako makakaligo dahil napakalamig ng tubig! Hindi ko alam kung pano timplahin ang mainit na tubig. Katagal kong nakatitig at pihit ng pihit sa lintok na gripo. Sa loob-loob ko nga, kahirap naman pala rine, akala ko pinadali lahat dito e bakit paliligo lang e pinahihirapan ako. Nakaligo din naman ako pero pagkatapos e hindi ako makasalita at nag-locked yata ang bagang ko sa lamig. Maghapong kumakapak ang baba ko sa ginaw. Dyan ko nga naisip yung sinabi ni LOLO Royce..ehe..Tito lang pala... na pag hindi mo alam ang isang bagay/gawain de magtanong ka at solve ang problema.

Pasensyahan nyo muna ako. Makikigaya lang ako sa ibang blogkada na naka temporary leave sa pagba-blog. Iaayos ko kasi itong bahay para maganda naman pagdating ng mga anak ko. Sabik na sabik na talaga akong makauwi sa atin. May listahan na nga ako ng mga ipapaluto/kakainin / pupuntahan pag-uwi namin.

Tanong nga ng tanong ang mga kamag-anak namin kung kailan kami uuwi, hindi namin sinasabi para surprise! Magulat na lang sila na isang madaling-araw e may kumakatok sa mga pinto nila at bubulaga sa kanila e kami. Susulit-sulitin ko na uwi ko at panigurado na matatagalan ang kasunod nito. Iniiyakan na nga ako ng tatay ko kasi baka ito na raw ang huli naming pagkikita na buhay sya kasi wala na raw dahilan pa para umuwi ako uli dahil kasama na namin ang mga bata pabalik dito. Ayokong magsenti at nakupo di nyo lang alam, super iyakin po ako. Ngayon nga lang na imaginin ko yung paalaman naming magtatay at magkakapatid e naiiyak na ako.

Basta bago ako bumalik dito kailangang maiayos ko ang puntod ng nanay ko. Yun man lang maramdaman nya na hinding-hindi ko sya nakakalimutan. Mahal na mahal ko ang nanay ko. Malas nga lang at hindi man lang inabot ang pangingibang-bansa ko. Hindi na sana nya titipirin ang pag-inom ng gamot kasi walang pera. Hindi na sana titiisin ang sakit ng dibdib dahil sa walang pera. Hindi sana sya nawala sa amin ng maaga. Hindi man lang nya nakita ang mga apo nya sa akin na syang pinakahiling-hiling nya. Minsan maramot ang pagkakataon.

Teka lang! Sabi ko ayaw kong magsenti, ayan naiiyak na ako talaga..whahhh!!! Babu na muna. Kita-kita na lang uli sa aking pagbabalik. Mahal kong bayan, here I come!!!

Wednesday, May 03, 2006

Jobless na Promdi

Wala na akong trabaho. Nung pumasok ako nung Biyernes, kinausap lang ako sa telepono ng anak ni lola dear at sinabing may nakuha na syang kapalit at darating sa Linggo kaya pwede na akong umalis. Ganon lang. Napakalamig...gininaw nga ako e.

Halos anim na taon na serbisyo. Lahat ng hirap nasapol ko pero wala sa kanila. Walang warning, walang pahaging basta babu na. Naaawa ako kay lola. Walang magawa ang matanda sa desisyon ng anak kahit iyakan pa nya. Pati sya nasabihan na "this has to work, either this or nursing home." Pobreng lola, umayon na lang.

Gabi-gabi tumatawag dito sa bahay para lang mag-good night sa anak ko. Miss na miss nya ang bata at ganon din naman ang anak ko . Nagkaisip na sya ang kinagisnang lola. Kaya para matahimik, idinalaw ko kahapon sa kanya. Iyakan na naman.

Hindi ko maisip kung bakit ganon yung anak non. Super yaman naman pero takot na takot gumastos sa pag-aalaga ng ina. Nung araw na tinigbak ako, may natanggap pa kaming glossy magazine featuring multi-million dollar homes at isa ang bahay nya sa Aspen na nakalagay dun.
Sabagay, pera nya yun kaya pwede nyang gawin kung ano gusto nya. Pero sana kinunsidera man lang ang pakiusap ng ina. Pero wala, bato talaga! Katigas!

Nataranta nga byuti ko dahil biglang jobless. Isip ako kung pano na mga bills namin. At kailangan kong serbisyuhan ang Fafa ko ngayon kasi sya double job ako wala..kaya sige laba, linis, plantsa. Mahirap na, baka mapaalis pa ako sa bahay de kawawa naman ako? Jobless na, homeless pa.

Wala naman kong tampo sa kanila. Lalo na kay lola. Wala talaga. Ang pinagpapasalamat ko nga, bago ako nawala sa kanila may berde na kaming mag-asawa at may bonus pa! Approved na visa ng mga anak ko! Magkakasama-sama na kami uli. Kaya malaki ang utang na loob namin sa kanila.

Hindi naman ako natatakot na baka hindi ako makahanap ng trabaho. Maraming nag-aalok kaso pano naman ang bunso ko? Kaya sa interview ko kahapon, nakiusap ako na sa June 17 na ako mag-uumpisa para maturuan ko pa yung panganay ko sa paggamit ng glucose monitor at pagbibigay ng insulin shots sa kapatid nya. Pumayag naman. Kaya ayun may kapalit na ang nawala kong trabaho at $25 per hour pa! Talagang basta nagsara ng pinto may bubuksan ang Diyos na bintana.

Nasa plano Nya lahat. Darating ang mga bata kaya binigyan ako ng oras para sa kanila. Para siguro makapag-bonding kami ng husto, to make up for the lost time ika nga..Kaya heto, pansamantala pataba muna ako ng P&*^%$&%#@.