Monday, December 25, 2006

Ikalawang Yugto






Sabi ng mga anak ko, di raw nila ma-feel ang pasko dito. Oo't maraming christmas lights, maraming regalo at pagkain pero may kulang pa rin. Sabi ko naman, maaaring nami-miss lang nila ang mga kamag-anak namin sa Pinas at saka dito kasi tahimik ang selebrasyon. Hindi tulad sa atin na magulo, maingay, masaya. Kahit ano lang ang nasa hapag kainan basta't may kwentuhan, biruan at kantiyawan solve-solve na.

Pansin ko lang parang lahat de-numero, in order, predictable, by schedule. Kahirap! Mas okey sana kung paminsan-minsan ay labas sa pangkaraniwan.

Tulad na lang nung nagpunta kami kina lola. First step, sa apartment nya, bukas ng mga regalo, kwento ng konti tapos alis na diretso sa lugar na pagkakainan. Kwento uli ng kahit ano, order ng pagkain at habang naghihintay ng tsibog, ikot ang mata sa paligid, ngiti, say hi & hello. Heto na pagkain, kainan na. Pagkatapos, uwian na. Ganon lang walang torya...malungkot...

Iba pa rin talaga sa atin...kailan kaya makauwi?

Saturday, December 23, 2006

Christmas...The American Way











Pumasyal kami kay Lola Mary nung Huwebes. Inimbita kami for dinner. Nakakahiya namang tanggihan at ilang araw ng tumatawag sa akin para makita daw nya ang mga bata. Hindi naman sa ayaw ko syang makita, talagang busy lang sa trabaho. Kaya nung magkaroon ng pagkakataon, sumige na kami.

Tuwang-tuwa sya. Ganon din si Kyle. Namiss nya rin ang kanyang lolang hilaw. Namiss nya rin yung bahay kung saan ilang taon din syang tumira. Pagkatapos ng bukasan ng mga regalo at basahan ng cards, pumunta na kami sa restaurant.

Okey na rin at least napagbigyan ko si Lola at na celebrate pa namin ang birthday ni Kristine. Thirteen years old na sya at ang hininging gift alam nyo kung ano? Pa-wax ko raw kilay nya! Pinagbigyan naman namin at ending hindi rin nya yata gusto. Sabi ko nga bata pa sya sa ganon. Pinasubok ko lang naman para matigil ng kakaungot.

Teka lang, papasok na pala ako....tuloy ko na lang bukas ha? More pix coming up!

Wednesday, December 13, 2006

Eto Yung Now...


Heto na sya ngayon. Four years & 5 months old at sa awa ng Diyos, wala pa kaming trip sa emergency room tungkol sa diabetes. Hirap lang kaming mag-asawang i-control ang sugar nya. From 6.9 to 7.1 to 7.7 and now 8.1 ang HbA1c nya e ang level dapat e from 7.00 to 8.5.

At kanina galing sya ng ospital para naman sa allergy testing. Dust mites ang nagti-trigger ng attacks nya kaya heto kailangan madalas mag-vacuum at ang mga beddings kailangang palitan lagi at labhan sa mainit na tubig at least once a week.

Makatagpo sana ng maalagang mapapangasawa itong si Kyle....

Kyle- Then & Now


Taken three months before he was diagnosed with juvenile diabetes....February 24,2004.

Wednesday, December 06, 2006

Why? Apay? Bakit?

Nagtatakaw ako kung sa anong pagkain ay di ko alam. Di naman ako naglilihi at sinara na ng doktor ang bahay-bata ko, may kandado pa at tinapon na ang susi. In short, kahit anong pakulo gawin ni mister, wala na...nada...awan..zilch...none...

Pinasalubungan ako ng isang kaibigan galing California ng tuyo. Ang sarap talaga ng kain ko! Nakakamay at nakasalampak sa sahig habang dinadawdaw ang tuyo sa sukang maanghang sabay higop ng mainit na caffe latte. Sarap!

Kaya bigla kong naisip, bakit pag nasa ibang bansa ka, kasarap kumain ng tuyo? Pag nasa pinas, kulang na lang bumukol sa lalamunan mo yung tuyo dahil di mo malunok sa sama ng loob? Pakiramdam mo non, super duper dukha ka pag mga tatlong araw ng yun ang inuulam mo pero heto ako, palibhasa nasa Tate, wala akong pake kung ilang araw nang sya ang ulam ko?

Kanina naman, asim na asim ako. Parang gusto ko ng manggang manibalang kaso wala naman dito. Ang mga mangga kasi dito e yung mamula-mula ang balat at ang laman nya e madilaw tapos ang lasa e lasang gamot. Ikot ako sa grocery at nag-iisip kung ano ang pwedeng pamalit sa maasim na mangga. At yun, nakita ko na! Mansanas na kulay berde (granny smith).

Dampot ako ng lima at nag-apurang umuwi. Hinugasan, inalisan ng buto at hiniwa sabay kuha ng ginisang bagoong alamang sa fridge at voila! Heto ako ngayon sa harap ng computer at nagba-blog habang ngumunguya-nguya tungkol sa katakawan ko. Masarap pero wala pa ring tatalo sa manggang kalabaw natin.

Isang pagkain pa na naisip ko yung dinengdeng. Isa pa yan, pag sa pinas mo ulam yan every other day e feeling mo rin amoy padas ka na. Dito kung magluto ako talaga non marami, para isang bahuan na lang sa kabahayan at isang murahan na lang ng mga kapitbahay. Tantiya ko nga, pag nagbubukas na ako ng mga bintana alam na ng mga neybor ang lulutuin ko. Para sa kanila, nuknukan ng baho yan pero sa akin, ay naku! Amoy pinas yan no! Heaven!

Sign of homesickness siguro itong aking mga food cravings. Nakadagdag pa yung mga recipes na nasa blog ni Ella. Gusto ko na namang umuwi. Gusto ko namang maranasan uli ang Pasko sa atin. Wala akong pakialam kung tuyo o tinapa at dinengdeng ang aking kakainin basta't makasama ko lang uli ang mga kapatid ko at si itay.

O baka naman naglilihi nga ako?! Ma-imagine nyo ba kung pano mabuntis ang na-ligate na? Alam nyo ba kung saan bubukol?

Sa likod...ala humpback! Waaaaaaaaaaaaaaa!!!!

"Ay baliw na sya".

Yan ang nasa isip mo hano?

Pahabol...




Saturday, November 25, 2006







Three days before Thanksgiving, nagcelebrate na kaming pamilya kasi may pasok kami pareho ni Mister. Kaya heto, punta muna sa Mall at nagkulitan sa Food Court.

Napansin ko lang mula nung madalas akong wala sa bahay, laging nakasiksik sa akin si Kyle. Minsan nga nakikiusap pa na wag na lang akong pumasok. Kawawa nga e. Nasanay kasi na 24/7 magkasama kami.

Anyway, pagkatapos ng kulitan diretso na kami sa sinehan. Si Robert at si Kaye kay James Bond komo di pwede kay Kyle dun kami nina Kristine sa Santa Clause 3. Akala ko mag-eenjoy si Kyle. Di pa man nag-uumpisa ang palabas, busog na sa popcorn kaya nakatulog tuloy. Gumising lang nung pauwi na.

Diretso kami sa Applebee's para mag-dinner. Nagustuhan naman ng mga bata ang inorder nila kaso wala pa sa kalahati, umayaw na at busog na raw. Kaya ending, take home ang tira.

More pix...brb...

Saturday, November 18, 2006

Pano Mo Kakamutin?

Nung bata pa ako, may tiyahin ako na kahit hirap sa buhay e parang wala lang. Okey lang sa kanya kahit lumipas ang araw na hindi nya alam kung papano hahanapin ang susunod na kakainin. Siguro dahil sa mahirap na nga ang buhay e lalo pang hihirap kung dadaanin sa reklamo at init ng ulo.

Matagal na syang patay pero bigla ko lang syang naalala. Siguro dahil sa mga kakaiba nyang dayalog pag sinasabihan nya ang mga anak na kahit galit na sya e may touch pa rin ng humor ang pagmumura nya. Pinag-isip nya ang inosente, busilak at dalisay kong utak sa mga salita nya, tulad nito:

"Ano ba, gabi na a! Umuwi na kayo! Madilim na nandyan pa kayo sa labas baka isipin ng mga tao MALANDI PA KAYO SA BUBULE." Isip tuloy ako, pano ba maglandi ang bubuli? Meron bang ganon? Kaya ang ginawa ko minsan, pumunta ako sa likod-bahay namin,sa may palayan at sagingan at naghanap ng bubuli. Pinagmasdan kong mabuti kung panong maglandi, ayaw namang gumalaw at nakipagtitigan lang din sa akin. Nung tumayo ako biglang kumilos ng napakabilis na parang kumakandirit. Yung katawan nagkandapili-pilipit. Kaya ang konklusyon ko, siguro dahil sa magaslaw na galaw kaya nasabi nya yung malandi pa sa bubuli.

"PAKARAT! PATUTOT!" Isip uli ako, ano kaya koneksyon non sa torotot? Dahil ba magkatunog lang sila o may koneksyon talaga?

"MAKATI PA SA GABE." OO talagang makati yun dahil pag tinutulungan ko noon ang inang na magbalat ng bunga at tangkay, nagkakati talaga kamay ko. Komo nga hindi pa nababahiran ng kabastusan ang mura kong isip, hindi ko sya talaga ma-gets.

"MAKATI PA SA HIGAD." Yan talagang alam kong makati dahil nung minsang umakyat ang kuya ko sa puno ng sampalok at nahigad, talaga namang namantal ang buong katawan kaya pinaliguan ng suka ni inang. At agen dahil wala pa ngang bahid kamunduhan ang bubot kong isip, hindi ko rin sya na-gets.

"MAKATI PA SA GALIS-ASO." Ay! E teka lang pakati na ng pakati ito talaga! Parang gusto ko ng magkamot a! Kahit ano namang usisa ko kung bakit e wala namang magkainteres na magpaliwanag.

Fast forward.... Ngayon alam ko na yun. Mga metaphor lang pala. Sadyang ginawa/sinabi para hindi ma-gets na mga bata. Figure of speech tapos heto ako't literal ang hinanap na paliwanag.

Ngayon alam ko na dahil hinog na at bukas ang isip sa bagay-bagay sa mundo....charrriing! Ang totoo kamo mulat na sa kamunduhan! At ang ebidensya?

Heto.....

Friday, November 17, 2006

What the?!!






Nung isang araw lang mainit, ngayon snow? Nagtaka pa ako e nasa Iowa kaya ako. First time ng mga dalaga ko makakita kaya heto tingnan nyo ang kasabikan.

Wednesday, November 15, 2006

Wednesday, November 01, 2006

Mother Dear

Napakatagal na nating di nagkita, miss na miss na kita. Napakarami ng nangyari at nabago sa buhay ko simula noong Pebrero 28,1989. Tandang-tanda ko ang araw na iyan dahil yan ang araw sa buhay ko na kinatatakutan kong dumating at hanggang ngayo'y hinihiling na sana'y di na dumating pa. Ang araw na ibinuhos ko lahat ng luha ko sa paniniwalang sa pagtulo at lakas ng sigaw ko ay maibabalik ko kayo...sa pag-aakalang baka pag umiyak ako ng umiyak ay magising kayo sa mahimbing ninyong pagkakatulog. Napakasakit Inay. Hindi ko alam kung paano haharapin ang bukas na wala kayo sa tabi namin. Ayoko na ring mabuhay.

Bilang ina, alam ko ayaw nyo ng gaanong attitude na basta na lang susuko. Kaya siguro kahit nakaburol pa kayo, gumawa kayo ng paraan para hilahin ako patayo mula sa malalim na depresyon. Isipin nyong puntahan ako ng "trabaho" sa bahay natin? Siguro naisip nyo na komo right after graduation, sa Heart Center na tayo tumira ng kung ilang buwan dahil sa sakit nyo, feeling nyo siguro kayo ang nakapigil sa akin sa pagjo-job hunting. Kagustuhan ko yon Inay. At believe or not, yung experience ko na yun sa ospital ng halos pitong buwan ay napapakinabangan ko ngayon. Pag nga binabalikan ko yung nakaraan, I can't help but think na talagang hinanda nyo ako para sa kinabukasan, sa magiging buhay ko sa ngayon.

Naalala ko pa, lagi nyong sinasabi noon na sana bago kayo pumanaw, makita nyo man lang ang mga apo ninyo sa aming huling tatlong mga anak nyo na wala pang asawa. Medyo hindi tayo napabigyan ni Lord don. Hindi Nya na rin siguro matiis yung makita kayo na namimilipit sa sakit ng dibdib.

Kami rin ho ni Robert ang nagkatuluyan. Si Kuya Ed at Ate Edith rin at si Kuya Ike at si Gigi. Tatlo ho ang naging anak namin at naku nay, may apo kang american citizen! Mga green card holders na rin kami at yun nga ang dahilan kung bakit matagal akong hindi nakadalaw sa inyo. Nandito na ho kami ng mga bata sa Iowa. Nakuha namin sila nitong June lang. At talagang itinaon namin na umuwi ng June para nandon kami sa birthday nyo. Ang saya nga nung June 1. Nagsalu-salo kaming magkakapatid, lahat ng apo nyo nandon, kagulo pero masaya! Binging-bingi nga si itay sa karaoke e. Tapos non, pumunta kami sa puntod ninyo at dun tinuloy ang kwentuhan para kahit papano, ma-update naman kayo sa tsika.

Si Kuya Ed at Ate Edith tatlo na rin ang mga anak, kabaligtaran namin. Sila dalawa ang lalaki at isang babae, kami e dalawang babae at isang lalaki. Si Kuya Ike at Gigi, dalawa--isang babae at isang lalaki. Kung nandito lang kayo matutuwa kayo dahil sa amin lang kayo nina Kuya bumawi pagdating sa apong magaganda!

Ang Itay naman ho, sa awa ng Diyos ay malakas ang katawan considering na hindi na sya nakakakita dahil sa glaucoma at may emphysema pa. Regular nga ho ang punta nya ng doktor para kung ano ang problema ay maaksyunan agad. Wag ho kayong mag-alala at hindi namin pinababayaan ang Itay.

Ang mga apo nyo naman na sina Kaye, Kristine at Kyle ay ayos lang din lahat. Yun nga lang si Kyle medyo nakuha na agad yung mana nya sa lahi natin--diabetes. Pero wag kayong mag-alala, dito pa ba naman sa Amerika? Ang mga dalaginding ko naman ho ay nakaka-adjust naman ng maayos sa paraan ng pamumuhay dito. Sa schools ho'y humahataw din kaya sana magpatuloy. Si Kristine ho e dalawang beses na-accelerate at nung Parent-Teacher Conference dito, nagulat kami kasi nung inabot ng teacher ni Istin yung folder may ribbon, honor student pala! Ang mga grades nya straight As! Si Kaye naman ho ay ganon din puro A bukod sa Physics na ang nakuha nya e C. Sayang nga e. Sabi ko nga yung Pre-calculus na pinasusubok palang pakuha sa kanya kung kaya nya e A ang grade tapos dun sa Physics na yun na talaga level nya e C? Masyado daw kasing mabilis magsalita yung teacher nya tapos nasa may gawing likod pa sya. Nangako naman na pagbubutihin nya next time. Ayoko namang ma-pressure sa pagna-nag ko at teacher na rin ang nagsabi na give her time at ilang buwan palang naman daw dito. Ngayon nga kakatanggap ko lang ng text, sabi nya B na raw, malapit na sa A.

Alam ko Nay kung nabubuhay kayo, matutuwa kayo sa kanila. At alam ko rin na magiging proud kayo sa akin dahil kahit papano may na-accomplished na ako ng konti. Naalala nyo ba nung minsang magpahula kayo ( e hindi naman kayo naniniwala don, nakatuwaan nyo lang) sabi sa inyo may anak kayong makakapag-abroad? Sabi nyo pa nga sa akin baka ako yun at nakikita nyo sa akin na ako ang makakagawa non? Well, heto na nga Nay. Sugod ako rito sa Amerika na bitbit ay maleta, dala ang pangarap at baon ay dasal. Walang kakilala, di alam ang pupuntahan hindi alam kung paano magkakapapel pero tuloy pa rin dahil dala ko sa puso ko ang hangaring matupad ko ang pangarap nyo.

Pagpasensyahan nyo na sana kami at hindi kami nakadalaw sa puntod nyo ngayong Undas. Pero wala man kami ron, hindi kami nakakalimot sa pagdarasal at hinding-hindi namin kayo malilimutan.

Miss na miss na kita Nay...mahal na mahal ko kayo...sa muli nating pagkikita...

Ang inyong nagmamahal na bunsong anak,

Len-len

Friday, October 27, 2006

Hay Buhay..

Tungkol ito sa isang kaibigan. Naaawa ako sa kanya. Mas may edad sa akin at ako ang kapalitan nya sa trabaho pag gabi para makabawi sa puyat. Nag-aalaga sya ng mag-asawang parehong may kahirapan asikasuhin. Yung lalaki mabait pero nag-uumpisa ng lumala ang alzheimer's. Yung babae maldita panay sigaw at maya't maya tatawagin ka. Yun bang tipong wala syang ideya na tao ka pala at marunong mapagod.

Maghapon at magdamag na sila-sila lang ang magkasama. Live-in kasi sya at isang araw lang ang day-off na kadalasan e wala pang mapuntahan kaya ang ending, dun din sya nakakulong sa kwarto nya. Napakalungkot ng ganong buhay. Ba't di ko malalaman e naranasan ko na kaya yun. Para kang maloloka lalo na pag may problema pa sa 'pinas.

Itong kaibigan ko, marami na syang napuntahan. Sa Hongkong, Macau, Europe at huli dito nga sa Tate. Iba-ibang lugar pero pare-pareho ng trabaho....magpaalila sa banyaga. Tayong mga pinoy, okey lang kahit hirap ang loob at katawan basta may pangtustos sa naiwan sa Pilipinas. Kahit na yung mga mahal sa buhay na sinasabi ko e edad 23- 25 na, na kay ina pa umaasa. Hiwalay sa asawa itong kaibigan ko kaya mag-isa nyang kinakaya ang pagpapaaral sa mga anak na hanggang ngayon e wala pa ring natatapos dahil palit ng palit ng mga kurso.

Regular ang padala nya ng pera sa dalawang anak, isang lalake at isang babae. Bukod pa sa nakukuha nilang renta kada buwan sa paupahan nila sa Manila at bukod pa uli yung extrang hingi dahil sa "kuno" kailangan ng ganito, ganyan sa eskwela. Hindi naman natin sya masisi dahil tulad nya, ganon din ako nung nasa Pilipinas pa mga anak ko. Feeling ko kasi yun lang ang paraan para kahit papano makabawi ako sa pagkakalayo namin. Sa paraang sa pera na lang pinupunan ang pagmamahal na dapat sana e sa halik at yakap at personal na pag-aalaga mo maipapakita.

Pero hanggang saan ang paghihirap at pagsasakripisyo ng isang magulang para sa anak? Lalo't ang anak na pinaglalaanan mo ng lahat ay wala namang pakundangang magpasarap sa perang halos dugo at pawis ang kapalit bago kitain? Sa anak na gusto mong mapagtapos bago man lang maubos ang lakas mo na syang puhunan mo sa trabaho? Sa anak na araw-gabi syang laman ng isip mo kung kumain na ba, kung wala bang sakit, kung okey lang sila...sa anak na syang inspirasyon at lakas mo para labanan ang lungkot at kayanin ang lahat ng hirap?

Sa anak na buong akala mo'y nagpupuyat gabi-gabi sa pag-aaral yun pala'y sa sugalan inuumaga? Sa anak na ipinagdarasal mo gabi't araw na ilayo sa masamang bisyo at barkada pero daig pa ang pugon sa paghitit ng sigarilyo at tila buslong butas kung uminom ng alak? Sa anak na sinusustentuhan mo dahil hindi pa nila kayang tumayo sa sarili nilang mga paa pero may binubuhay at pinag-aaral pala? At di ba't napakasaklap kung malaman mo na ang gumagawa non e yung anak mo pang babae? At ang inaalagaan ay edad disi-sais lamang at BABAE rin?

Daig mo pa ang sinaksak sa dibdib ano? Sabi ko nga kay 'igan, di na bale kung sya'y girl, boy, vakla, tomboy anak mo yon. Tanggapin mo kung ano sya pero ang masaklap, ni sarili nga nya di pa nya kayang buhayin, bubuhay pa ng iba? At ang pinangtutustos e datung ni Madir, di na yata tama yun. Dapat yan turuan mo ng leksyon. Alam nyo ba ginawa ni frend? Pinalayas ang kaluskos-musmos sa bahay nila at pinakulong si Adan na nagkatawang Eba. Isang linggo lang daw para magtanda.

Kung kayo nasa lagay nya, ano gagawin nyo? Ako? Tatawirin ko na lang ang tulay pag nandyan na....

Tuesday, October 17, 2006

Gala Muna Tayo!
























Kahit gaano kahigpit ang schedule, kailangang mag-set aside talaga ng time para sa family outings. Baka isipin naman ng mga anak ko na dinala namin sila rito pero di naman namin maasikaso dahil sa kakatrabaho. Di ba kaya naman tayo nagpapakakuba sa pagkayod para sa kanila? Kaya tara na! Sama na sa gala ng Pamilya Promdi....

First three photos, kuha dito sa bahay, with some friends. Yung iba, kuha sa Omaha Zoo, Nebraska then sa Boone, Iowa to spend a " Day out with Thomas". Gift namin kay Kyle kasi hindi namin na-celebrate yung actual birthday nya, tapos katatapos lang ng hernia repair surgery nya kaya he deserve some fun.

Dami nga nyang hakot. Tuwang-tuwa sya talaga! Binilhan namin sya ng Thomas Shirts & Cap, Thomas Cup, books, stickers. Inilayo ko na sa gift shop at susme, tarantang-taranta!

Unang gala naming pamilya e sa Adventureland Park, Altoona, Iowa. Kaso walang na-develop na pictures. Kadidilim kaya wala akong na-upload. Go rin kami sa Mall of America sa Bloomington, Minnesota. Kaso mas bilib ang mga anak ko sa Mall of Asia. Pero okey na rin sa kanila kasi may mga rides sa loob.

Pero ang talagang hanggang ngayon e gulat pa rin sila e sa laki ng servings ng tsibog dito. Nakikita palang nila yung dami ng pagkain sa harap nila e busog na raw sila. Dito kasi walang takal-takal. Sa Pilipinas nga naman, de takal ng tasa kumbaga bitin ka. Dito, susme, solve-solve ka talaga! Wala lang litrato at nakalimutan dahil mga gutom..hehehe...

Next update Manay Ann per your request, schooling ng mga bata. Pansamantala, babu muna at maglalaba pa si ako.