Wednesday, July 26, 2006

Naranasan Nyo Na Bang....

Marami akong naging karanasan sa California nung ako'y nag-caregiver dun ng halos isang taon. Nung mga panahong yun na wala pa akong berdeng papel. Pag binabalikan ko ng tanaw, natatawa pa rin ako kasi sa klase ng trabaho na yun, pag hindi mo hahanapan ng humor ang bawat sitwasyon e baka mapabilang ka na sa kanila na bumubulong-bulong. Hindi ko sila pinagtatawanan o kinukutya sa sitwasyon nila, paalala lang, dahil alam kong pag tanda ko dun din ang punta ko. Mahal ko ang mga naging alaga ko dun at ni isa wala kong sinaktan pisikal man o berbal dahil naiintindihan ko ang lagay nila. Ito'y napagkukwentuhan lang natin...

Naranasan nyo na bang mapukpok ng shower head? Ako ho'y napukpok na ng isang residente nang minsang pilitin kong paliguan. Katakot-takot na bolahan para maaya ko sa loob ng banyo. Makulit din naman ako kasi sinabi sa akin na wag kong basain ang buhok nya kaso binasa ko pa rin kasi ubod ng panghe! Hindi pwede ang ganon sa carehome kasi pag inabutan ka ng licensing at nag-inspeksyon, yari ka.

Ang sakit nga e kaso wala ka namang magawa. Hindi pwedeng patulan. Inapura ko na lang ang pagpapaligo para matapos na sya sa kasisigaw at kahahataw. Ginalingan ko na lang sa pag-ilag.

Naranasan nyo na bang batuhin ng dumi? As in tae? Ako ho'y nabato na rin. Sa gulat ko nga, nasalo ko pa! Hindi umubra husay ko sa pag-ilag. Sa loob-loob ko nga, galing ko pala sumalo kung sakaling bola yun! Isang madaling-araw yun, sarap ng tulog ko sa carpet sa living room ng bigla na lang nangamoy ang buong kabahayan. Inisa-isa ko agad ang kuwarto at hinanap ang ubod ng bahong amoy na yun! Sa kahuli-hulihang kwarto, nakita ko si Lola, nagkukuyakoy sa gilid ng kama at kakanta-kanta pa. Nung buksan ko ilaw, ay na! Bahid-bahid sa kurtina, sa kama, sa sahig, sa katawan nya mula ulo hanggang paa! Nang makita ako yung dakot na yun sa loob ng salawal nya sa gawing pwet sabay bato sa akin---ngekkk, nasalo ko! Matuk mo yon?! Ididbribol ko pa sana at ipapasa kaso di bale na lang. Pinaliguan ko na lang sya.

Naranasan nyo na bang makatulog kahit may nagsisigaw ng "help me" sa paligid? Nung umpisa ho'y di ako makatulog dahil hindi ako makatiis na hindi lapitan at baka may problema talaga. Kaso yun pala ang problema nya, magsisigaw ng help kahit walang dapat i-help. Mga dalawang linggo ho akong hindi napagkatulog at ako'y nagmistula ng puyat at payat na unggoy. Kaya pinilit ko na rin ang sarili ko, inimadyin ko na lang na si Madonna yung nagko-concert sa kabilang kwarto. Kaya ayun gabi-gabi masarap na ang tulog ko dahil music to my ears na ang mga sigaw nya. Magdamag yun!

Kaso eto ang hindi ko inaasahan, pag huminto na sya sa kasisigaw at napagod na. Hindi naman ako makatulog ngayon dahil natatakot naman ako na baka nalagutan na ng hininga. Kaya pag nahinto ng help me, punta ako sa kwarto nya to help her. Gulo ano?

Naranasan nyo na rin bang makapagpatayo ng isang taong ayaw tumayo? Ako ho'y nagawa ko na yan. May isa akong alaga na buhat ng dumating ako dun sa carehome e ni hindi ko nakitang naglakad. Sabi nila'y nakalimutan ng maglakad. Ayaw ding magsalita. Nakalimutan na raw. Iniksperimento ko. Araw-araw pag tapos na ako sa trabaho ko, uupo na ako sa tabi ng wheelchair nya at kakausapin ko at pipilitin kong tumayo. Araw-araw ho yun, walang paltos! Halos mag-aanim na buwan kong ginawa. Ayaw talaga kaya naisip ko, nakalimutan na nga yata.

Minsan nagluluto ako sa kusina. Bigla na lang may nakita ako sa gilid ng mata ko na gumagalaw! Laking gulat ko dahil si Lola, nanggigilid sa oven! Malaking problema din pala pag naglakad dahil kailangan mong sundan.Maya't maya naman tumayo. Ay sus, wala akong matapos na trabaho.

At nakapagsalita rin, nung tinanong ko kung maganda ako, pagkahaba-habang "wellllllll" ang lumabas sa bibig dinugtungan pa ng utod lakas na "NOOOO".

Ay simula non, hindi ko na sya kinausap at hinayaan ko na lang na palaging nakaupo sa degulong na silya at manood ng tv maghapon. Sama ano?

Naranasan nyo na bang sabihan ng mang-aapi? Ako ho'y nasabihan na ng ganon. May naging alaga kasi ako na sobrang malilimutin. Ginugutom ko raw sya. Unfair daw ako, yung iba may ice cream, sya wala kahit nasa harap nya pa yung platong pinagkainan nya. At kahit kakakain nya na sya na yung kusang umayaw, hindi pa nakakaalis sa hapag-kainan, sasabihin na "i'm hungry". Kahit sa pagdumi, deny to death sya na hindi sya ang nagkalat ng dumi sa banyo, baka ako raw. Susme, e sya lang kaya mag-isa sa loob no? At the end of the day, tanong ko na sa sarili ko, ako ba'y sino?, sino ako? Sino ba sila? Nosi balasi? Ehek!

Talagang ang tao pag nagipit,kahit sa ebak kakapit. Hindi ho ako nahihiya na sabihing sa paghuhugas ng pwet ng may pwet ako at ang pamilya ko nabuhay. Maselan din ho akong tao, pero nawala lahat. Mahina ho ang sikmura ko kaya nga nung unang hugas ko ng ebak, sukang katakot-takot yan. Tumatak na lang sa isip ko yung sinabi ng kasama kong nagkaedad na sa pagke-caregiver, "isipin mo na lang kada hugas mo ng puwet, dalar ang kapalit."

Nakumbinsi ko rin ang sarili ko. Naging mantra ko na nga yun. Share ko lang sa inyo ang dasal ng dukhang caregiver na tulad ko.

"Salamat po sa mga matatandang ito na ipinagkatiwala nyo sa amin. Pinapangako po namin na sila'y aalagaan at paglilingkuran ng mabuti sa abot ng makakaya namin. Dagdagan mo pa po ang puwet na huhugasan namin at duming sisinghutin na sa gano'y madagdagan pa ang ipon namin. Amen."

Tuesday, July 25, 2006

Promdi Version of BackStreet Boys

>ASIAN BACKSTREET BOYS (Funny Videos)

.hov:hover{background-color:yellow}



This is sooo funny guys! I don't know what got into me but I'm so into video blog nowadays. Influence of my daughters, maybe?

Anyway, I really like this one and I hope you do, too.

Saturday, July 22, 2006

Kiss Me - Sixpence none the richer

one of my favorites...just want to share with you all!

Sunday, July 16, 2006

Isang Personal na Liham Para kay Kyle

Ipinanganak kita four years ago. Tuwang-tuwa kami kasi dininig ng Panginoon ang hiling namin nni Papa mo na pagkalooban kami ng anak na lalaki. Sa halos walong taon mula nung huli kong pagbubuntis, hindi ko na inisip yung hirap ko sa paglilihi at dusa ng opera basta lang mapasaamin ka.

Walang kahirap-hirap ang naging pagbubuntis ko sa iyo. May morning sickness ng konti pero hindi kasinggrabe ng sa mga ate mo, na naoospital pa ako at ayaw kumain ng kahit ano. Sa iyo kahit ano kinain ko. Tinalo ko pa nga si Papa sa lakas kong kumain! Imaginin mo, mula 100 pounds to 150 pounds ang naging timbang ko! Heavy ano?

Tulad rin ng pagbubuntis ko sa mga ate mo, walang palya ang bisita ko sa doktor at inom ng vitamins para masiguro na healthy ka. Mahilig ako sa kape pero naihinto ko yon at kahit hate na hate ko ang gatas, sige inom ako para sa iyo. Iniwasan ko ring mai-stress at mag-isip ng kung anu-anong negative kasi baka paglabas mo, muka ka kaagad problematic. Ayokong magkaroon ka ng mukhang "only a mother could love."

Hanggang sa dumating na ang araw na pinakahihintay namin...July 15, 2002 alas-kuatro ng madaling-araw nungdumating ka via cesaerian section. Hindi ka umiyak agad na syang ikinabahala ko. Pero nung pinalo ka ng doktor, nakupo! lalaki talaga, ang laki at lakas ng boses mo!

Napakalusog mong bata. At napakabait. Hindi mo nga iisipin na may bata sa bahay ng amo ko dati kasi ni hindi ka umiiyak. Lumaki ka sa kuna at kalimitang kumakausap sa iyo e si Elmo, si Big Bird, si Bert & Ernie, si Barney, si Caillou at ang favorite mo hanggang ngayon, si Thomas the Tank Engine.

Treat na sa iyo yung makalabas ka ng kuwarto natin. Hindi ko kasi mahayaang makagala-gala ka sa kabahayan ng amo namin kasi maraming mamahaling gamit. Baka pag may matabig ka e masaktan ka at isa pa, wala tayong pambayad. Sanay ka na kami lang ang nakikita mo pero hindi ka takot sa tao. Kahit sinong makita mo, nginingitian, binabati, kinakausap at sinasamahan mo. Mananakaw ka nga sa aming bata ka e.

Hanggang isang araw ng Mayo 2004, napansin namin na parang matamlay ka. Yung dati-rating paglalaromo na hindi ka kaagad napapagod ay hindi mo na kaya. Naging bugnutin ka at iyakin. Ibang-iba sa dating ikaw. Kaya alam namin ni Papa na may nararamdaman kang hindi maganda.

Dinala ka namin sa ospital hindi lang isa o dalawang beses kundi makatatlo. Sa mga unang punta natin, wala daw silang makitang problema sa iyo. Baka daw trangkaso at ang sabi pa "you will get over it." Uwi kami uli na maluwag ang loob dahil sa pag-aakalang wala ngang problema...na okey ka lang...na mawawala rin kung ano man yun.

Nagkamali kami dahil lalong kang humina, ayaw mong kumain at puro inom ka lang ng tubig. Pag naman napilit kitang kumain, susubo ka pero ka umiiyak at nanginginig. Sama-sama na ang luha mo, laway at sipon. Pinipiga ang puso ko. Gusto ko kitang tulungan pero hindi ko alam kung sa paanong paraan. Napakasakit sa amin ni Papa na makita kang nahihirapan.

Yun ding oras na yon, napag-usapan namin na kailangan kang bumalik sa ospital. Sa pagitan lang ng tatlong linggo, your condition has turned from bad to worse. At ang masaklap pa nito, wala na naman daw problema sa iyo! Painumin ka lang daw ng Tylenol at kung hindi pa rin ayos, ibalik ka uli sa kanila.

Hindi pumayag si Papa mo, anak. Hindi kami uuwi hanggat hindi namin alam ang problema. Sinabi nya na may nagsuhestiyon sa kanya na ipa-blood test ka namin.Na sya namang ginawa ng doktor. Ilang saglit pa, nagulat kami dahil ilan na silang pumasok sa kuwarto natin dala ang resulta ng blood test mo.

Ang blood sugar level mo na pala ay halos 600 na! Pinapunta agad tayo sa Children's Hospital at sa emergency room, halos ako ang mamatay para iyo anak ko... ilang nurses ang nakadagan sa iyo para lang mahanapan ka ng ugat para sa suwero. Sobra ka na raw dehydrated kaya it took a Life Flight nurse para lang makahanap ng ugat.

Ang verdict? You are diabetic. Type 1. Insulin-dependent for the rest of your life. Ang ikinasasama ng loob ko, 20 months ka pa lang. Kasalukuyang nag-eenjoy sa pagtikim ng mga pagkaing bago sa panlasa mo. Kasalukuyan palang nagdidiskubre ng mga bagay-bagay sa paligid mo. Pero ba't nasentensyahan ka na agad ng panghabambuhay na parusa? Ano ang malay ng batang kasing-inosente mo? Matagal bago ko maintindihan ang rason sa likod ng mga katanungan ko, namin ni Papa mo.

Dalawang taon na buhat ng ma-diagnosed ka sa sakit mo. At sa awa ng Diyos, wala pa tayong nararanasan na pagtakbo sa emergency dala ng diabetes mo. Kung dati-rati, yun ang dahilan ng depresyon ko, ngayon tanggap ko na rin. Kung dati-rati, kinuwestiyon ko pati Diyos ngayon, ihiningi ko na ng tawad lahat yun. Tao lang ako lalo't higit isang ina na mahina pagdating sa mga problemang patungkol sa inyong mga anak ko. Sa huli, wala pa rin akong karapatan para kuwestyunin ang mga nangyari at mangyayari sa buhay natin. Basta ang sa akin ngayon, enjoy each day na parang wala ng bukas.

Ang hiling ko lang sana, ako na lang ang nagkasakit ng ganyan dahil matanda na ako. Kahit papano may natikman at napagdaanan na sa buhay na hindi mo pa nararanasan. Tutal ang sa akin, magkakaroon at magkakaroon din ako nyan kasi nga nasa lahi namin. De sana ako na lang.

Gaano kasakit sa isang ina na para lang mabuhay ka e sasaktan kang anak nya? Ilang libong iniksyon na ba ang naitusok ko sa iyo? At ilang libo pa sa darating na mga araw?

Wala kaming maibibigay ni Papa sa iyo anak kundi ang walang kundisyon at walang hanggang pag-ibig namin sa iyo. Through thick and thin, in sickness and in sickness (?) andito kami palagi sa tabi mo. Kung pwede lang itubos ka sa mga insulin shots mo anak at blood sugar testing at quarterly labaoratory test, ginawa na namin.."magwa-one for me at two for papa" kami.

Sensya ka na anak. Pinatatawa lang kita. Alam mo naman na mahina ang loob ko, lumalakas lang dahil sa iyo...

Muli, maligayang kaarawan sa iyo, anak...Patuloy naming dalangin ang iyong paggaling...

Love,

Mama & Papa

P.S.

MATTHEW - a very appropriate name- you ARE a gift from God...

Thursday, July 06, 2006

Pamilya ni Promdi

Pasensya na at ako e natuwa lang dahil nadiskubre ko na kung pano magsingit ng photos dito. May blog din kasi yung anak kong panganay at nakita ko na nakapagpost sya ng pix dun, kaya heto na resulta ng kapipindot ko.

Meet my family...my husband, Robert (masyadong seryoso no?) yung bunso, si Kyle karga-karga ko, si Kaye halos kasingtaas ko na at kasingganda (hehehe) at si Kristine na mahilig pa rin sa twin popsies.

Palagay ko magiging photo blog na ito...

"Test mic...mic test...nasan si mic, tess? tess ikaw ba yan?


subok ko lang...