Wednesday, July 26, 2006

Naranasan Nyo Na Bang....

Marami akong naging karanasan sa California nung ako'y nag-caregiver dun ng halos isang taon. Nung mga panahong yun na wala pa akong berdeng papel. Pag binabalikan ko ng tanaw, natatawa pa rin ako kasi sa klase ng trabaho na yun, pag hindi mo hahanapan ng humor ang bawat sitwasyon e baka mapabilang ka na sa kanila na bumubulong-bulong. Hindi ko sila pinagtatawanan o kinukutya sa sitwasyon nila, paalala lang, dahil alam kong pag tanda ko dun din ang punta ko. Mahal ko ang mga naging alaga ko dun at ni isa wala kong sinaktan pisikal man o berbal dahil naiintindihan ko ang lagay nila. Ito'y napagkukwentuhan lang natin...

Naranasan nyo na bang mapukpok ng shower head? Ako ho'y napukpok na ng isang residente nang minsang pilitin kong paliguan. Katakot-takot na bolahan para maaya ko sa loob ng banyo. Makulit din naman ako kasi sinabi sa akin na wag kong basain ang buhok nya kaso binasa ko pa rin kasi ubod ng panghe! Hindi pwede ang ganon sa carehome kasi pag inabutan ka ng licensing at nag-inspeksyon, yari ka.

Ang sakit nga e kaso wala ka namang magawa. Hindi pwedeng patulan. Inapura ko na lang ang pagpapaligo para matapos na sya sa kasisigaw at kahahataw. Ginalingan ko na lang sa pag-ilag.

Naranasan nyo na bang batuhin ng dumi? As in tae? Ako ho'y nabato na rin. Sa gulat ko nga, nasalo ko pa! Hindi umubra husay ko sa pag-ilag. Sa loob-loob ko nga, galing ko pala sumalo kung sakaling bola yun! Isang madaling-araw yun, sarap ng tulog ko sa carpet sa living room ng bigla na lang nangamoy ang buong kabahayan. Inisa-isa ko agad ang kuwarto at hinanap ang ubod ng bahong amoy na yun! Sa kahuli-hulihang kwarto, nakita ko si Lola, nagkukuyakoy sa gilid ng kama at kakanta-kanta pa. Nung buksan ko ilaw, ay na! Bahid-bahid sa kurtina, sa kama, sa sahig, sa katawan nya mula ulo hanggang paa! Nang makita ako yung dakot na yun sa loob ng salawal nya sa gawing pwet sabay bato sa akin---ngekkk, nasalo ko! Matuk mo yon?! Ididbribol ko pa sana at ipapasa kaso di bale na lang. Pinaliguan ko na lang sya.

Naranasan nyo na bang makatulog kahit may nagsisigaw ng "help me" sa paligid? Nung umpisa ho'y di ako makatulog dahil hindi ako makatiis na hindi lapitan at baka may problema talaga. Kaso yun pala ang problema nya, magsisigaw ng help kahit walang dapat i-help. Mga dalawang linggo ho akong hindi napagkatulog at ako'y nagmistula ng puyat at payat na unggoy. Kaya pinilit ko na rin ang sarili ko, inimadyin ko na lang na si Madonna yung nagko-concert sa kabilang kwarto. Kaya ayun gabi-gabi masarap na ang tulog ko dahil music to my ears na ang mga sigaw nya. Magdamag yun!

Kaso eto ang hindi ko inaasahan, pag huminto na sya sa kasisigaw at napagod na. Hindi naman ako makatulog ngayon dahil natatakot naman ako na baka nalagutan na ng hininga. Kaya pag nahinto ng help me, punta ako sa kwarto nya to help her. Gulo ano?

Naranasan nyo na rin bang makapagpatayo ng isang taong ayaw tumayo? Ako ho'y nagawa ko na yan. May isa akong alaga na buhat ng dumating ako dun sa carehome e ni hindi ko nakitang naglakad. Sabi nila'y nakalimutan ng maglakad. Ayaw ding magsalita. Nakalimutan na raw. Iniksperimento ko. Araw-araw pag tapos na ako sa trabaho ko, uupo na ako sa tabi ng wheelchair nya at kakausapin ko at pipilitin kong tumayo. Araw-araw ho yun, walang paltos! Halos mag-aanim na buwan kong ginawa. Ayaw talaga kaya naisip ko, nakalimutan na nga yata.

Minsan nagluluto ako sa kusina. Bigla na lang may nakita ako sa gilid ng mata ko na gumagalaw! Laking gulat ko dahil si Lola, nanggigilid sa oven! Malaking problema din pala pag naglakad dahil kailangan mong sundan.Maya't maya naman tumayo. Ay sus, wala akong matapos na trabaho.

At nakapagsalita rin, nung tinanong ko kung maganda ako, pagkahaba-habang "wellllllll" ang lumabas sa bibig dinugtungan pa ng utod lakas na "NOOOO".

Ay simula non, hindi ko na sya kinausap at hinayaan ko na lang na palaging nakaupo sa degulong na silya at manood ng tv maghapon. Sama ano?

Naranasan nyo na bang sabihan ng mang-aapi? Ako ho'y nasabihan na ng ganon. May naging alaga kasi ako na sobrang malilimutin. Ginugutom ko raw sya. Unfair daw ako, yung iba may ice cream, sya wala kahit nasa harap nya pa yung platong pinagkainan nya. At kahit kakakain nya na sya na yung kusang umayaw, hindi pa nakakaalis sa hapag-kainan, sasabihin na "i'm hungry". Kahit sa pagdumi, deny to death sya na hindi sya ang nagkalat ng dumi sa banyo, baka ako raw. Susme, e sya lang kaya mag-isa sa loob no? At the end of the day, tanong ko na sa sarili ko, ako ba'y sino?, sino ako? Sino ba sila? Nosi balasi? Ehek!

Talagang ang tao pag nagipit,kahit sa ebak kakapit. Hindi ho ako nahihiya na sabihing sa paghuhugas ng pwet ng may pwet ako at ang pamilya ko nabuhay. Maselan din ho akong tao, pero nawala lahat. Mahina ho ang sikmura ko kaya nga nung unang hugas ko ng ebak, sukang katakot-takot yan. Tumatak na lang sa isip ko yung sinabi ng kasama kong nagkaedad na sa pagke-caregiver, "isipin mo na lang kada hugas mo ng puwet, dalar ang kapalit."

Nakumbinsi ko rin ang sarili ko. Naging mantra ko na nga yun. Share ko lang sa inyo ang dasal ng dukhang caregiver na tulad ko.

"Salamat po sa mga matatandang ito na ipinagkatiwala nyo sa amin. Pinapangako po namin na sila'y aalagaan at paglilingkuran ng mabuti sa abot ng makakaya namin. Dagdagan mo pa po ang puwet na huhugasan namin at duming sisinghutin na sa gano'y madagdagan pa ang ipon namin. Amen."

13 comments:

Cielo said...

nakakatuwa ang iyong pagdedetalye...pero may kurot sa puso..sobra tlg ang sacrifisyo nang mga OFW na tulad nyo sa ibang bayan...alam kong ang tatag mo na matiis ang lahat nang iyong mga naging experience ay dahil sa inspirasyon mong mga anak mo..na muli kayong magkasama...at ngayon ay natupad na

Ann said...

Kahit comedy ang dating ng post mo hindi doon na focus ang atensyon ko. Dami palang hirap ang nararanasan ng mga nasa ganyang trabaho. Kung alam lang sana yan ng mga taong naghihintay lang ng padalang pera sa Pilipinas pagdating ng sweldo. Ng asawa at mga anak na may hinanakit pa sa magulang dahil piniling umalis at magtrabaho sa ibang bansa.

nixda said...

mas mabuti pa nga raw mag-alaga na lang ng babies ... kahit na "tae" amoy gatas pa rin :D

hirap pala ng work mo! pero ang cool ng dasal nyo ha!!! heheh

Mmy-Lei said...

alam kong dinadaan nyo nalang sa pagpapatawa ang buhay kahit na alam nating mahirap at masakit ang mga nararanasan ng OFW.

sana maantig naman ang damdamin ng iba na mababa ang tingin sa OFW.

yun lang po!

katrina said...

@cielo, salamat uli sa muling pagdalaw.

tama yung sinabi mo na kahit anong hirap kakayanin mo talaga para sa mga anak. bilang magulang, gusto nating wag makaranas ng hirap ang mga anak natin di ba?

kaya nga sa huli, worth it pa rin dahil kasama na namin sila, sabi nga ni teri onor, "sulit na sulit."

katrina said...

@Ann,

ay naku tsang, sinabi mo! ibayong hirap talaga ang susuungin mo sa klase ng trabaho ko...mura ng mga residente(a.k.a. alaga)pananakit nila, problema sa among abusado na kuripot pa, intrigahan/inggitan sa mga kasama sa trabaho, tipid sa pagkain, etc..etc..

kaya nga pag panay ang dating ng problema sa pinas tungkol sa datung, dayalog ko, hindi pinupulot dito ang pera, hinuhugot ko pa yan sa puwet ng mga alaga ko..

hindi ko lang maubos maisip, kahit gano kalaki padalang pera dun, parati pa ring kulang..

katrina said...

Hi Neng!

Korek ka dyan! Kaya nga nung unang hugas ko ng "uu" napa "huhu" ako e. panay atake ng migraine ko non. di ako makakain kasi naiimagine ko pa itsura't amoy. pero nagtagal, nasanay na rin ako. pagkahugas ng "pupu" ako'y "papapa" naman.

katrina said...

mmmmyyyy, halu!

hay naku, alam mo kasi tsang pag hindi ganon ang naging outlook or attitude ko sa trabaho ko baka alin sa tatlong ito ang nangyari:

1. praning na rin ako ngayon
2. kalaboso ako ngayon (dahil nakasakal na ng alaga)
3. nasa pinas ako, wala ng berdeng pera, wala pang berdeng papel.

drum-drum na luha rin ang inubos ko dahil sa homesick at nauubos din ang pasensya ko ba't ba hindi, pero tiis na lang talaga dahil ika nga, pag may tiyaga, may nilaga. kaya ngayon, kahit papano, naiinitan na tiyan ko( dahil sa sabaw ng nilaga?) at naiinitan na katawan ko (dahil sa yakap ng mga anak ko!) yehey!!!!

Anonymous said...

hahahah i love your statement:

"hinuhugot ko pa yan sa puwet ng mga alaga ko"

korek ka dyan ate...

katrina said...

Hi lil' sis vem,

totoo naman kasi yun e. hindi ko pinupulot sa kalsada ang pera dito o pinipitas sa puno, sa dakilang caregiver, sa puwet ng alaga ang labas ng grasya.

kaya nga pag kailangan ng malaking-laking kita, nag-iisip na ako ng paraan para mapa-uu sila, bibigyan ko na ng laxative...hehehe..

Anonymous said...

Your story is truly inspiring. I am really proud of your tenacity and perseverance. All the best! JoeAla

Anonymous said...

Hi, Bless your heart for staying diyan sa trabajo mo.
Wow, I'm glad na may sense of humor ka. Nakakatawa naman ang mga experiences mo!
Right now, ako ang nagaalaga sa 84 years old na Mother ko, early stages ng pagiging makakalimutin.
Thank God I retired early (U S Air Force)so I have time to take care of her. Continue being funny!
Thel from Florida

Unknown said...

ingat nlng po'yung lng kc kung ako nsa katayuan m bka 1 week plng ako hindi kna alam kung anu pangalan ko.iniisip k plng mababaliw nko kung puro gnun ang mga makakasama ko dyan.pro ikaw hanga ako syu ang tatag m,slamat sa post ng kwen2 nyu may ntutunan ako tnx.goodluck.