Friday, October 27, 2006

Hay Buhay..

Tungkol ito sa isang kaibigan. Naaawa ako sa kanya. Mas may edad sa akin at ako ang kapalitan nya sa trabaho pag gabi para makabawi sa puyat. Nag-aalaga sya ng mag-asawang parehong may kahirapan asikasuhin. Yung lalaki mabait pero nag-uumpisa ng lumala ang alzheimer's. Yung babae maldita panay sigaw at maya't maya tatawagin ka. Yun bang tipong wala syang ideya na tao ka pala at marunong mapagod.

Maghapon at magdamag na sila-sila lang ang magkasama. Live-in kasi sya at isang araw lang ang day-off na kadalasan e wala pang mapuntahan kaya ang ending, dun din sya nakakulong sa kwarto nya. Napakalungkot ng ganong buhay. Ba't di ko malalaman e naranasan ko na kaya yun. Para kang maloloka lalo na pag may problema pa sa 'pinas.

Itong kaibigan ko, marami na syang napuntahan. Sa Hongkong, Macau, Europe at huli dito nga sa Tate. Iba-ibang lugar pero pare-pareho ng trabaho....magpaalila sa banyaga. Tayong mga pinoy, okey lang kahit hirap ang loob at katawan basta may pangtustos sa naiwan sa Pilipinas. Kahit na yung mga mahal sa buhay na sinasabi ko e edad 23- 25 na, na kay ina pa umaasa. Hiwalay sa asawa itong kaibigan ko kaya mag-isa nyang kinakaya ang pagpapaaral sa mga anak na hanggang ngayon e wala pa ring natatapos dahil palit ng palit ng mga kurso.

Regular ang padala nya ng pera sa dalawang anak, isang lalake at isang babae. Bukod pa sa nakukuha nilang renta kada buwan sa paupahan nila sa Manila at bukod pa uli yung extrang hingi dahil sa "kuno" kailangan ng ganito, ganyan sa eskwela. Hindi naman natin sya masisi dahil tulad nya, ganon din ako nung nasa Pilipinas pa mga anak ko. Feeling ko kasi yun lang ang paraan para kahit papano makabawi ako sa pagkakalayo namin. Sa paraang sa pera na lang pinupunan ang pagmamahal na dapat sana e sa halik at yakap at personal na pag-aalaga mo maipapakita.

Pero hanggang saan ang paghihirap at pagsasakripisyo ng isang magulang para sa anak? Lalo't ang anak na pinaglalaanan mo ng lahat ay wala namang pakundangang magpasarap sa perang halos dugo at pawis ang kapalit bago kitain? Sa anak na gusto mong mapagtapos bago man lang maubos ang lakas mo na syang puhunan mo sa trabaho? Sa anak na araw-gabi syang laman ng isip mo kung kumain na ba, kung wala bang sakit, kung okey lang sila...sa anak na syang inspirasyon at lakas mo para labanan ang lungkot at kayanin ang lahat ng hirap?

Sa anak na buong akala mo'y nagpupuyat gabi-gabi sa pag-aaral yun pala'y sa sugalan inuumaga? Sa anak na ipinagdarasal mo gabi't araw na ilayo sa masamang bisyo at barkada pero daig pa ang pugon sa paghitit ng sigarilyo at tila buslong butas kung uminom ng alak? Sa anak na sinusustentuhan mo dahil hindi pa nila kayang tumayo sa sarili nilang mga paa pero may binubuhay at pinag-aaral pala? At di ba't napakasaklap kung malaman mo na ang gumagawa non e yung anak mo pang babae? At ang inaalagaan ay edad disi-sais lamang at BABAE rin?

Daig mo pa ang sinaksak sa dibdib ano? Sabi ko nga kay 'igan, di na bale kung sya'y girl, boy, vakla, tomboy anak mo yon. Tanggapin mo kung ano sya pero ang masaklap, ni sarili nga nya di pa nya kayang buhayin, bubuhay pa ng iba? At ang pinangtutustos e datung ni Madir, di na yata tama yun. Dapat yan turuan mo ng leksyon. Alam nyo ba ginawa ni frend? Pinalayas ang kaluskos-musmos sa bahay nila at pinakulong si Adan na nagkatawang Eba. Isang linggo lang daw para magtanda.

Kung kayo nasa lagay nya, ano gagawin nyo? Ako? Tatawirin ko na lang ang tulay pag nandyan na....

Tuesday, October 17, 2006

Gala Muna Tayo!
























Kahit gaano kahigpit ang schedule, kailangang mag-set aside talaga ng time para sa family outings. Baka isipin naman ng mga anak ko na dinala namin sila rito pero di naman namin maasikaso dahil sa kakatrabaho. Di ba kaya naman tayo nagpapakakuba sa pagkayod para sa kanila? Kaya tara na! Sama na sa gala ng Pamilya Promdi....

First three photos, kuha dito sa bahay, with some friends. Yung iba, kuha sa Omaha Zoo, Nebraska then sa Boone, Iowa to spend a " Day out with Thomas". Gift namin kay Kyle kasi hindi namin na-celebrate yung actual birthday nya, tapos katatapos lang ng hernia repair surgery nya kaya he deserve some fun.

Dami nga nyang hakot. Tuwang-tuwa sya talaga! Binilhan namin sya ng Thomas Shirts & Cap, Thomas Cup, books, stickers. Inilayo ko na sa gift shop at susme, tarantang-taranta!

Unang gala naming pamilya e sa Adventureland Park, Altoona, Iowa. Kaso walang na-develop na pictures. Kadidilim kaya wala akong na-upload. Go rin kami sa Mall of America sa Bloomington, Minnesota. Kaso mas bilib ang mga anak ko sa Mall of Asia. Pero okey na rin sa kanila kasi may mga rides sa loob.

Pero ang talagang hanggang ngayon e gulat pa rin sila e sa laki ng servings ng tsibog dito. Nakikita palang nila yung dami ng pagkain sa harap nila e busog na raw sila. Dito kasi walang takal-takal. Sa Pilipinas nga naman, de takal ng tasa kumbaga bitin ka. Dito, susme, solve-solve ka talaga! Wala lang litrato at nakalimutan dahil mga gutom..hehehe...

Next update Manay Ann per your request, schooling ng mga bata. Pansamantala, babu muna at maglalaba pa si ako.