Monday, December 25, 2006
Ikalawang Yugto
Sabi ng mga anak ko, di raw nila ma-feel ang pasko dito. Oo't maraming christmas lights, maraming regalo at pagkain pero may kulang pa rin. Sabi ko naman, maaaring nami-miss lang nila ang mga kamag-anak namin sa Pinas at saka dito kasi tahimik ang selebrasyon. Hindi tulad sa atin na magulo, maingay, masaya. Kahit ano lang ang nasa hapag kainan basta't may kwentuhan, biruan at kantiyawan solve-solve na.
Pansin ko lang parang lahat de-numero, in order, predictable, by schedule. Kahirap! Mas okey sana kung paminsan-minsan ay labas sa pangkaraniwan.
Tulad na lang nung nagpunta kami kina lola. First step, sa apartment nya, bukas ng mga regalo, kwento ng konti tapos alis na diretso sa lugar na pagkakainan. Kwento uli ng kahit ano, order ng pagkain at habang naghihintay ng tsibog, ikot ang mata sa paligid, ngiti, say hi & hello. Heto na pagkain, kainan na. Pagkatapos, uwian na. Ganon lang walang torya...malungkot...
Iba pa rin talaga sa atin...kailan kaya makauwi?
Saturday, December 23, 2006
Christmas...The American Way
Pumasyal kami kay Lola Mary nung Huwebes. Inimbita kami for dinner. Nakakahiya namang tanggihan at ilang araw ng tumatawag sa akin para makita daw nya ang mga bata. Hindi naman sa ayaw ko syang makita, talagang busy lang sa trabaho. Kaya nung magkaroon ng pagkakataon, sumige na kami.
Tuwang-tuwa sya. Ganon din si Kyle. Namiss nya rin ang kanyang lolang hilaw. Namiss nya rin yung bahay kung saan ilang taon din syang tumira. Pagkatapos ng bukasan ng mga regalo at basahan ng cards, pumunta na kami sa restaurant.
Okey na rin at least napagbigyan ko si Lola at na celebrate pa namin ang birthday ni Kristine. Thirteen years old na sya at ang hininging gift alam nyo kung ano? Pa-wax ko raw kilay nya! Pinagbigyan naman namin at ending hindi rin nya yata gusto. Sabi ko nga bata pa sya sa ganon. Pinasubok ko lang naman para matigil ng kakaungot.
Teka lang, papasok na pala ako....tuloy ko na lang bukas ha? More pix coming up!
Wednesday, December 13, 2006
Eto Yung Now...
Heto na sya ngayon. Four years & 5 months old at sa awa ng Diyos, wala pa kaming trip sa emergency room tungkol sa diabetes. Hirap lang kaming mag-asawang i-control ang sugar nya. From 6.9 to 7.1 to 7.7 and now 8.1 ang HbA1c nya e ang level dapat e from 7.00 to 8.5.
At kanina galing sya ng ospital para naman sa allergy testing. Dust mites ang nagti-trigger ng attacks nya kaya heto kailangan madalas mag-vacuum at ang mga beddings kailangang palitan lagi at labhan sa mainit na tubig at least once a week.
Makatagpo sana ng maalagang mapapangasawa itong si Kyle....
Wednesday, December 06, 2006
Why? Apay? Bakit?
Pinasalubungan ako ng isang kaibigan galing California ng tuyo. Ang sarap talaga ng kain ko! Nakakamay at nakasalampak sa sahig habang dinadawdaw ang tuyo sa sukang maanghang sabay higop ng mainit na caffe latte. Sarap!
Kaya bigla kong naisip, bakit pag nasa ibang bansa ka, kasarap kumain ng tuyo? Pag nasa pinas, kulang na lang bumukol sa lalamunan mo yung tuyo dahil di mo malunok sa sama ng loob? Pakiramdam mo non, super duper dukha ka pag mga tatlong araw ng yun ang inuulam mo pero heto ako, palibhasa nasa Tate, wala akong pake kung ilang araw nang sya ang ulam ko?
Kanina naman, asim na asim ako. Parang gusto ko ng manggang manibalang kaso wala naman dito. Ang mga mangga kasi dito e yung mamula-mula ang balat at ang laman nya e madilaw tapos ang lasa e lasang gamot. Ikot ako sa grocery at nag-iisip kung ano ang pwedeng pamalit sa maasim na mangga. At yun, nakita ko na! Mansanas na kulay berde (granny smith).
Dampot ako ng lima at nag-apurang umuwi. Hinugasan, inalisan ng buto at hiniwa sabay kuha ng ginisang bagoong alamang sa fridge at voila! Heto ako ngayon sa harap ng computer at nagba-blog habang ngumunguya-nguya tungkol sa katakawan ko. Masarap pero wala pa ring tatalo sa manggang kalabaw natin.
Isang pagkain pa na naisip ko yung dinengdeng. Isa pa yan, pag sa pinas mo ulam yan every other day e feeling mo rin amoy padas ka na. Dito kung magluto ako talaga non marami, para isang bahuan na lang sa kabahayan at isang murahan na lang ng mga kapitbahay. Tantiya ko nga, pag nagbubukas na ako ng mga bintana alam na ng mga neybor ang lulutuin ko. Para sa kanila, nuknukan ng baho yan pero sa akin, ay naku! Amoy pinas yan no! Heaven!
Sign of homesickness siguro itong aking mga food cravings. Nakadagdag pa yung mga recipes na nasa blog ni Ella. Gusto ko na namang umuwi. Gusto ko namang maranasan uli ang Pasko sa atin. Wala akong pakialam kung tuyo o tinapa at dinengdeng ang aking kakainin basta't makasama ko lang uli ang mga kapatid ko at si itay.
O baka naman naglilihi nga ako?! Ma-imagine nyo ba kung pano mabuntis ang na-ligate na? Alam nyo ba kung saan bubukol?
Sa likod...ala humpback! Waaaaaaaaaaaaaaa!!!!
"Ay baliw na sya".
Yan ang nasa isip mo hano?