Sunday, March 25, 2007

Kahit Naubos Na Ang Buhok Nya....





Birthday ng asawa ko....49 years old na sya. Ang tanda na! Marami na ngang puting buhok---pero hindi sa ulo kasi wa na sya hair dun---sa kilay at buhok sa ilong..hehehe...

Lagi nyang sinasabi na mamahalin nya ako kahit pumuti pa buhok nya na ngayon e nag-iisip ako kasi wala na syang buhok na puputi, nalagas na raw lahat dahil sa akin.

Ano ba sya bilang asawa? Let me count the ways...

Pasaway! Noon kasi malakas syang manigarilyo at uminom. Ayon nga sa kwento nya, kung saan sya bumagsak sa kalasingan, dun na rin sya sisikatan ng araw at tuloy na naman ang inuman. Ganon sya katakaw sa alak. Naalala ko nung magnobyo palang kami, galing kami sa bahay ng common friend namin at siyempre inuman na naman. Sa kwentuhan namin habang lumalakad kami pauwi, super kulit nya talaga! Paulit-ulit ang kwento, iyo't iyon! At sa hilo, tinawag akong pare sabay akbay-laseng sa akin. Kulang na lang talaga, itulak ko sa bukid! Naisip ko tuloy, sa lahat ng pinakaayaw ko e lasenggero yun pa yata ang babagsakan ko.

Pero nung ikasal na kami, unti-unting nabawasan yun. Dumalang ang tagay session with the barkada. Di na rin sya tumikim ng "hard" ika nga. Lumipat sya sa serbesa at may limit na. Hindi na nya kayang uminom ng higit pa sa dalawang grande. Hanggang sa huminto na sya ng tuluyan na walang pressure na nanggaling sa akin. Huminto sya ng kusa.

Ibang usapan naman pagdating sa sigarilyo. Kung anong bilis sa paghinto ng buga, sya namang gigil sa muling paghitit. Nandyang pati mga bata ginamit ko na para ma-guilty. Pati ako dinramahan ko na. Sya kako ang papatay sa amin. Mas una kaming magkaka lung cancer dahil sa second-hand smoking. Imbes na hintuan? Sa labas ng bahay nanigarilyo! May kanta pa nga kaming mag-iina sa kanya.

"Hitit-buga! Hitit-buga! Sunugin mo ang baga mo! Hitit-buga! Hitit-buga! Sunugin mo ang betlog mo!"

Akala ko effective kaso wala rin! Ngingisi-ngisi lang at tuloy pa rin sa hitit-buga. Hanggang sa dumating ang taong 1999 at bilang new year's resolution nya raw (drumroll pls!) hihinto na raw sya sa paninigarilyo. Hindi ko na kinantiyawan at baka mainis at bawiin pa, kaya quiet lang ako.

Maaliwalas at mabango ang hangin sa bahay. Walang amoy usok, walang pollution. Maluwag ang paghinga naming mag-iina. At higit sa lahat, wala ng magkakasakit sa amin sa baga. Hanggang isang gabi....

Panay ang pilit nya na matulog na raw kaming mag-iina at may pasok pa kami bukas. Kesyo gabi na, mapupuyat na kami at mahihirapan na naman sa gisingan sa umaga. Ako naman siyempre tanggi! Kahirap kayang matulog ng hindi naman inaantok! Sa huli nakulitan na ako kaya inaya ko na mga anak namin sa kwarto, sinara ang pinto, pinatay ang ilaw at nahiga na kami. Hindi naman ako makale at naintriga ako kung bakit ba pilit kaming pinatutulog. Bumangon ako at dahan-dahang sumilip sa siwang ng pinto. Dun nakita ko ang matanda (yan ang tawag ko sa kanya) nakahilata sa sofa ng medyo patagilid na sa una'y akala mo nanonood lang ng tv....ng biglang nyang iangat yung kamay nya at humitit ng pagkahaba-
haba! Sigarilyong-sigarilyo na pala ang damuho!

Hindi ko sya sinita nung gabi na yun. Nag-obserba lang ako kinabukasan. Hinanap ko yung pinag-upusan, wala. Mahusay pumitik sa loob-loob ko, ni sa bakuran wala akong nakita. Binuko ko na lang nung pinatutulog na naman kami. Humagalpak ng tawa nung sinabi ko na asim na asim na siguro sya kaya sige na naman sa tulak sa aming matulog. Sinawaan na rin ako sa kadadakdak.

Hanggang sa dumating ang January 10,2000. Araw ng alis ko sa Pinas. Kinalipatang buwan, Pebrero, huminto na sya ng tuluyan sa paninigarilyo. Nakunsensya siguro...hehehe... Agen, walang pressure galing sa akin. Sya na uli nagkusa. Basta, minsang pag-uusap namin sa telepono, sinabi nya na huminto na sya....na sya namang pinatotohanan ng mga anak ko.

Mga ten years na siguro syang hindi umiinom, walang alcohol, walang serbesa, ni soda basta tubig na lang ngayon. Sa sigarilyo naman, mga pitong taon na. Ngayon pati sya nababahuan na sa usok ng sigarilyo.

Babaero! Nalaman ko sa kaibigan namin na nung nililigawan nya palang ako, marami palang nobya sa Maynila ang loko. Huli na nung mabuko, sungkit nya na ang matamis kong oo. Dumating kami sa puntong nanghihingi ako ng cool-off kaso ayaw pumayag. Pagbigyan ko raw sya. De pinagbigyan kaso matulis talaga. Yung latest gf nya na sabi nya'y hiniwalayan nya na e hindi pala. Nabuking ko kasi nakita ng pinsan ko sa Araneta sa Cubao na kasama yung chickas nya. Nakakunyapit pa si babae na nung tinawag sya ng pinsan ko, ang bilis ng kalas pero huli na dahil kita na sya no! Nahiwalayan nya rin naman kahit yung babae na ang nakikiusap na kahit other woman na lang daw sya. May sumunod pang isang insidente dun na talagang super sakit sa akin na hindi naman na ako makakalas dahil nagpa-SM na kami nung nalaman ko, impak, oras lang ang nakararaan nung makarating sa akin.

Alam nya kung gaano ako nasaktan.... at alam ko rin kung gaano ang pagsisisi nya....at nagpapasalamat ako dahil yun ang huling heartache na binigay nya sa akin and that was 17 years ago. Sabi nga nya, tatlo na babae nya and that's more than enough for him.

Makalat! Kailangan mong sundan sa ginagawa. Gusto nya yung mga gamit nya tanaw palagi ng mata nya, pag naitabi ko hindi na nya makita. Yun bang tipong naiba lang ng pwesto o natabingan ng konti, wala na, call na nya ako...super woman to the rescue!

Opposite kami. Magkabaglitad kami ng gusto na okey naman sa relasyon namin. Sa trabahong bahay lang magkasundo kami. Ayaw na ayaw ko kasing magluto, buti na lang masipag syang magluto. Sabi ko nga paglinisin nya na ako ng bahay at paglabahin wag lang paglutuin. Sa pagkain, hindi ako mahilig sa karne. Kahit puro gulay ang ipakain mo sa akin, okey. Sya hindi mo mapakain ng gulay na walang pritong karne o isda. And speaking of isda, ayaw ko ng tiyan ng bangus, yun naman ang gusto nya. Ayaw ko ng kiti sa balot, yun ang type nya. Gusto ko ng maasim, maalat at matamis, lahat yun ayaw nya.

Pero ang talagang naa-appreciate ko sa araw-araw na ginagawa nya e yung pagkagising ko may kape na akong nakatimpla. Magbuhat ng maging mag-asawa kami hindi nya nakakalimutan yun. Isa pa e yung tuwing aalis at darating mula sa trabaho, lagi kaming may kiss na mag-iina. At sa tuwing makakarating sya sa pupuntahan nya, hindi nakakalimutan na tumawag sa akin para ipaalam na ayos ang naging biyahe nya. Malayu-layo rin kasi ang pinapasukan nya dito sa bahay. Pahabol pa pala...hindi sya makakain hanggat hindi kumakain mga anak nya.

Sa lahat ng kanyang katangian at sa kabila ng kanyang mga kapintasan, minahal ko sya at patuloy na mamahalin habang ako'y nabubuhay. Nagpapasalamat ako sa patuloy nyang pagpapasensya sa lahat ng kaberatan ko, sa immaturities ko, sa kakulangan ko...

I am truly blessed to have this man in my life and really honored to be the mother of his children.

I love you kuya...now & forever..... Happy Birthday!!!

- Bunso -

Monday, March 19, 2007

Ang Dating Daan...Sa Dako Pa Roon

Ang dating bagay na kinasasawaan, ngayon........kinasasabikan

Ang dating bagay na kinayayamutan, ngayon........kinakatuwaan

Ang mga bagay na noo'y tinatakasan, ngayon........gustong balikan

Mga pagkaing dati'y inaayawan, ngayon........kinakatakawan

Mga taong dati'y iniiwasan, ngayon........gustong masilayan

Ang dating takbo ng buhay na ubod ng bagal, ngayon.......super bilis naman

Ang bayan na nilayasan, ngayon......gustong uwian

Kung pwede lang....maging drama'y turn back time

De sana' y binalik na ang kamay ng orasan.

Ano nangyayari? Bakit nagkakaganire?

Wahhhhhhhhhh!!!!!! Nagmemellow na si Promdi?!!!

Tuesday, March 06, 2007

Kalusin na ang Salop!

Ako'y mapagpasensyahing tao. Hanggat kaya ko tsang , oo ng oo para walang mahabang usapan. Kaso nitong mga huling araw, nauubos yata reserba kong pasensya na araw-araw kong hinihingi kay Lord. Nasasagad nitong alaga kong babae sa gabi. Tulad nga ng minsang nasabi ko kay Manay Ann, kasarap tadyakan sa ngala-ngala o kaya tatuan sa mata.

Hinanda ko ang sarili ko sa puyat nung tinanggap ko ang job offer na ito. Night shift kasi. Understandable lang na from time to time ako'y tatayo para samahan sa banyo o kung ano pang utos nya. Kaso ang ikinaiirita ko e yung tono ng pagsasalita at paraan ng pag-uutos. Her words ika nga are dripping with sarcasm. Akala siguro komo ako e porener ang utak ko ay gaga-kuko nya lang o kaya nasa talampakan.

Rapido pa sa utos. Sa isang utusan mga tatlo o apat na yung pinagagawa sa akin at kailangan gawin mo agad. Pag nabagal-bagal, nakasinghal na at tipong iritadong-iritado na. Ganda pa nito pag may gabing sinusumpong yung asawa, babantayan at susundan ko siyempre at baka matumba e uga-uga pa naman, dun na si babae sisingit, sasabay na ng utos. At siyempre gusto nya sya mauna.

Hindi na ako nakatiis. Biglang lumitaw ang mga sungay kong pilit kong tinutulak palubog dahil pilit ko pa ring iniintindi ang depressing situation nilang mag-asawa. Bulyawan ko nga! Sabay rapido ng inglis na hindi ko alam kung saan ko nadampot sa inis.

In fairness, pag alam nyang banas na ako, hihinto naman. Talaga lang sigurong nang-uuyam o baka sinusubukan kung masisindak ako. Matagal ng sindak 'to lola! Naubos na ang takot ko no!

Kainam pa naman ng style. Pag tantiyado nyang in good mood ako, unti-unting bubuwelo sa utos. E basa ko na rin kaya sya. At hindi lang sya ang may ugaling ganon. Isa sa mga rason kung bakit natuto na rin akong sumagot e ito...

May alaga kasing pusa yun na ubod ng taba, parang si Garfield. Dumahak lang ng konti dahil sa katakawan sisigaw na sa akin at kitty is choking daw, help ko raw. Ano kaya gusto nyang gawin ko? I-mouth to mouth ko o heimlich maneuver ko? Pati litter tinuturo sa akin ang paglinis., e utod kaya ng bantot ang ebs ng pusa. At nung kanda bilauk-bilaukan na naman yung cat nya gamutin ko raw. Gabi-gabi yan at kung ilang linggo na. Hindi ako pinatutulog ng dahil sa pusang masyoba (gay lingo for mataba) at masiba. Sagutin ko na nga ng ganito:" When I accepted this job, it was very clear that I have to take care of you and Dr. only, nobody said something about the cat. I am not a veterinarian, I am a caregiver...of humans not animals. From now on I don't want to be involved with the care of the cat. If she's not well, send her to the vet!" Kahit may santo ka man sa dibdib, mapapapak&* ka e. Ilang gabing walang tulog at palitan silang mag-asawa, isasama pa pusa! Sa hilo ko nga sa antok, apat na tingin ko sa kanilang dalawa?! Magdagdag pa ng dalawang pusa?

Minsan naman ang ini-istyle sa akin e yung pagpa-polsih ng silver frames. Tanggihan ko nga, sabi ko I'm allergic to silver polish, it will make me sneeze and sneeze, de tumigil. Alam nyo kasi yang mga style na ganyan, pag kinagat nyo, yari na kayo. Masasama na yan sa listahan ng mahaba mong trabaho, ending, di ka nga ngayon magkandaugaga sa dami ng trabaho, wala namang dagdag sa sahod mo. Kaya ngayon natuto na rin akong maki-negotiate. Pag may kumukuha sa akin, sinasabi ko na agad ang kaya ko at hindi ko kayang gawin (read: ayokong gawin) kasama na ang hourly rate ko. Pag wala sa usapan, tanggi ako, take it or leave it ang drama ko. Yan lang ang ganda dito sa isteyts, pwede kang pumiyok kung ayaw mo at hindi ka pipilitin.

Mahirap din kasing masanay sila. I've learned my lesson. Pag binigay mo ang palad mo, buong kamay na ang gustong kunin. Ngayon, oo ako sa gusto nila pero babayaran ba ako ng extra? I'm tired of these kind of people (read:rich....no, let me correct that...filthy rich). Ke babarat sa chimi-aa at they treat you like dirt pa. Komo pinasasahod ka, aliping saguigilid ang trato sa iyo.

Naisip ko, teka lang may karapatan rin akong magdemand a, dun man lang mapamukha sa kanila na pareho lang kaming tao...saklap lang, magkaiba ng estado sa buhay. Sabagay wala na rin magagawa yan pag pinamuka mo na ang ganire: I charge $25 an hour, light housekeeping only (read: dusting) no pets, no polishing of silvers, no cooking, no ironing and 2 days off a week. You have the money but in dire need of good care, I am good, I have the energy that you don't have. De kung may ipapagawa sa iyo ngayon na wala sa job description mo, nakikiusap na ang tono , di ba? Pag humirit pa ng pangalawa, piyok ka na...mawiwili e....

Yan ang caregiving 101...promdi style.

Monday, March 05, 2007

Ang Maleta! Ang Maleta!

Nakasanayan ko nang....

Pag aalis na bahay, ang bag ko kailangan kumpleto ang laman. Hindi mga kikay stuff bagkus mga gamot. Tulad nito:

Insulin bottles - Humulin and Humalog
Syringes, alcohol swabs and gauze
Hand sanitizer and hand lotion
Two sets of Epipen (injectable) for Kaye & Kyle coz both have allergies sa seafoods
Glucagon kit (injectable) for Kyle in case of severe hypoglycemic attack
Zyrtek syrup for Kyle (at Kaye na rin) in case of breakout
Assorted Prescription pills for Robert
Bottle of Extra Strength Tylenol - usually for me in case of oncoming migraine attack
Bottle of Advil - for other members of the family na sasakitan ng ulo
2 Glucometers for Kyle to check his blood sugar (just in case pumalpak yung isa)
30 extra Lancets(needles) -need to change the lancets after testing
Baby wipes, wash cloth
Spare pants and shirts
Diapers
Cellphone
Car keys
Lipstick
Chapsticks
Hairbrush
Small bottle of White Flower
Sugar Free gums
Crackers, small box of orange juice, syringe para sa orange juice kung sobrang lata na ni Kyle sa baba ng sugar at di na makakain ng cookies or cracker man lang o kaya naman, 2 tubes of glucose paste for the same purpose
25 to 30 pcs. of grapes and 5 strawberries for snacks
3 Hotdogs pag gutom at di na pwedeng kumain dahil mataas na sugar
Packs of Kleenex
Contact info
Wallet

Araw-araw yan, minsan hindi ko na nga inaalis sa bag. Tsinetsek na lang kung kailangang i-replenish ang gamit. Iba naman yung bag na dala ko pag papasok ako sa trabaho ko sa gabi. Malaki rin kasi may chichirya naman, may kapehan, disposable plate, spoon and fork at plastic cup. Bitbit na rin ang kumot at laptop.

Tuwing Martes & Biyernes, bitbit ko uli yung bag number one na may gamot dahil isinasama ko si Kyle sa trabaho ko. Behave naman sya. Masaya ng nanonood ng favorite cartoon shows sa tv. Kailangan ding may bitbit akong mga dalawang pirasong toy trains nya, Thomas the Train book at yung game boy nya.

Kaya yung bag ko, maleta na sa dami ng mga dapat dalhin. Kaya nga nung pauwi kami ng pinas, sa ilalim ng upuan sa harap ko inilalagay yung humongous bag ko at masyadong maabala pag sa overhead bin. Nasita pa ako ng stewardess na dapat daw sa itaas ko ilagay, hindi ako pumayag. Maya't maya kaya akong may kinukuha dun. Hindi na nagpilit.

Kaya kung sakali at may makita kayo sa airport na hindi magkandaugagang babae sa pagbitbit ng kanyang "purse" e malamang hindi ako yun at wala pa naman kaming balak umuwi ng pinas this year.