Saturday, October 15, 2005

americanized?

medyo matagal din akong hindi nakapag-post dito sa blog ko.marami kasing nangyari e at maraming pinagkakaabalahan.

una, nagkaroon kami ng gap ng kapatid ko.away-kapatid lang naman at thru text pero nagkapalitan kami ng medyo hindi magandang salita...

mag-aanim na taon na kami rito sa amerika ng asawa ko at sa mag-aanim na taon na yun , minsan lang kami nakauwi ng pilipinas para dalawin ang dalawa pa naming anak na babae,ito e nung april.bakit kanyo minsan lang?kasi march lang naapruban ang greencard namin,kaya naturally, fly home agad kami kesehodang maraming bills na dapat i-advance ang bayad at kesehodang walang kita ng dalawang buwan makita lang ang mga mahal sa buhay.nagpunta kami rito ng asawa ko para kahit papano mabigyan ng magandang buhay ang mga anak namin at kahit papano rin e makatulong sa mga kapatid lalo na sa mga magulang na nagtatandaan na at nagiging masasakitin na.kaya nga masakit para sa akin ang masabihan ng nagbago na ako at hindi na ako yung dating kapatid nila nung nasa pilipinas pa.masarap daw ang buhay ko rito..sa mga kabayan ko na nandito sa lupa ni uncle sam, masarap ba buhay natin dito?lalo na at nag-uumpisa ka palang magkaroon ng "identity' dito?hindi naman akong masamang kapatid.kada lalapit at nangangailangan, pinagbibigyan namin dahil nga feeling ko, kami sinuwerteng makapunta rito kaya para mai-share ang blessings sige, tulungan natin ang mga kapatid natin at magulang.sari-saring lapit--may bibili ng tricycle para mapagkakitaan (parang sa pelikulang milan ano?),may aabroad kailangan ng placement fee, may magpapakabit ng side car ng tricycle,may nangangailangan ng pasahe pa-abroad,manganganak, pataba sa bukid, pambili ng stereo sa kotse, nagkasakit nasa ospital walang pera, may mga namatay na kamag-anak, may naaksidente kailangan ng pampagawa ng sasakyan, etc, etc...masakit na ba ulo nyo? wala kaming inaasahang babalik dyan dahil saan nga kukuha ng pambayad?tapos masasabihan ka pang nagbago?siguro sa mga kabayan ko dito, umaabot din kayo sa point na "teka lang, utakan na ito a!".yun bang mararamdaman mo na parang wala naman ng inaasahan kundi ikaw.wala na silang maisip na paraan na iba.ganda pa nito, pag-uwi ko lahat ng inabutan ko sa pinas e naglalakihan ang mga katawan!ang tataba!hindi nga maiisip ng makakakita na ako yung galing sa abroad na dapat e "malusog".itabi ako sa kanila, ako si palito sa payat at ako si ai-ai sa haba ng baba.iyak nga sila nung makita ako at bakit naman daw ako'y payat?yan ang gagawin nating pagbabalik-tanaw sa mga susunod kong entries.yun mga hirap ko bilang caregiver at para masagot nyo rin yung tanong ko hindi lang para sa sarili ko kundi para sa lahat ng pinoy sa ibang bansa..naiimpluwensyahan nga ba tayo ng bansang pinaglilingkuran natin na maging dahilan ng "unconciously" e magbago tayo?at kung nagbago nga tayo,did it make us a better person or not?or nagising lang tayo sa katotohanang some people are taking advantage of us?na hindi tayo namumulot ng pera sa ibang bansa kundi ibayong hirap muna bago mo kitain at kung ubusin naman sa pinas e parang tubig? ano sa palagay nyo?

Tuesday, September 20, 2005

if i could turn back time

nahohomesick pa rin ako paminsan-minsan.talaga sigurong hindi ito maiiwasan lalo't nasa pilipinas pa ang dalawa kong anak na babae.nadalaw namin sila nung april, nagstay dun ng dalawang buwan pero ang napakasakit na parte e yung iiwan namin uli sila. kung pwede lang talaga na isama na sila ginawa na namin kaso wala, no choice kundi iwan uli sila.inaalo ko na lang ang sarili ko na kailangan naming bumalik para mai-file na agad yung papel nila.yun na lang ang kunsuwelo ko.

nung makita ko sila na malalaki na, talagang naiyak ako.biro mo, lumaki ng ganon ang mga anak ko ng wala kami ng ama nila.marami na akong hindi alam sa kanila at minsan nagpapakiramdaman na lang kami.sabi nga ng panganay ko sa akin, parang hindi daw ako yung mama nya.natakot ako kasi baka lumayo na ang loob nya sa akin.si bunso ko naman, sweet pa rin.nung iniwan namin yun e kinder ngayon grade 6 nung magkita kami uli.marami ng okasyon sa buhay nila na hindi kami kasama.nakakalungkot...pagpunta nila dito, babawi kami ng papa nila.aalagaan namin sila ng mabuti...

galing kami ng mister ko kanina sa dmv at kumuha ako ng written test para makakuha na ako ng permit.nakapasa naman kaya umpisa na ng aral ng maneho.obligado ka kasing matuto dito hindi para sa magpasosyal kundi necessity talaga rito na marunong kang mag-drive lalo't nagtatrabaho kayong mag-asawa, lalo pa nga ngayon kasi baka itong si abay ko e matanggap na dun sa inaaplayan nya.tinawagan na kasi sya ng final interview last friday at malalaman daw ang resulta in two weeks.maganda naman daw ang outcome ng interview kaya sana nga.

naiinip na ako sa paglipat namin ng bahay sa october 26.sabik na akong magdecorate at mamili ng mga gamit,pero ihihintay ko sa mga anak ko yung talagang pagdedekorasyon.sabi ko sa kanila pag andito na sila e kami ang magsho-shopping at magdedecorate. magbo-bonding kami ng husto na hindi namin nagawa nung nasa pilipinas kami...nalulungkot nga ako kasi hindi ko na maibabalik yung panahon na maliliit pa sila, na sa iyo lang umiikot ang mundo nila.ngayon kasi malalaki na sila at may sarili na rin desisyon, may ayaw at gusto na.yung bunso ko ngang babae, may crush na at yung dalagita ko e may nanliligaw na...ito yung aspect ng desisyon namin na umabroad na pinanghihinayangan ko, wala na yung kamusmusan nila..hay naku, if i could turn back time, yun ang babalikan ko....

Tuesday, September 13, 2005

life goes on!

katagal ko na palang hindi nakakapaglagay ng entry dito sa blog ko,marami kasing inaasikaso e.nakipag-closed na kami ng deal sa townhouse na kukunin namin last sunday kaya yung closing/possession date namin e sa october 26.nakakatuwa rin kasi nag-umpisa kami rito na "non-existent" halos kasi nga tnt kami tapos nagkapapel, ngayon nagdadrive na si mister dito sa jameyrika at ngayon nagpupundar na kami ng property.2 bedroom 1.5 bath muna ang kinuha namin kasi mahirap na baka biglang mawalan ng trabaho e pano na ang monthly payment di ba? matanda na kasi talaga itong alaga namin si mrs.gordon 92 na sya e,pero sana pagkalooban pa ng Panginoon ng konting haba pa ng buhay at maraming umaasa sa kanya.

marami rin palang paperworks ang paglo-loan dito pero yung buong process e mabilis din.nakakatawa pa nga kasi nag-email ako sa mga anak nitong amo namin at binabalitaan ko naman ng nangyayari sa amin.yung bunso, mayaman medyo humingi ako ng tulong sa kanya kasi may connection yun.ang aaplayan kasi naming loan sa banko e banko ng nanay nya at dati pa syang member ng board baka kako maayos agad,kaso mo wala, dinedma ang email ko.natakot yata at akala magpapabili ako ng bahay. kaya pag malaman non na okey na lahat ang deal e makakahinga na sya.kami naman feeling namin proud dahil we did it on our own.nasabi ko na rin sa mga anak ko ang tungkol dito at lalo silang na-excite na pumunta rito.hopefully next year makarating na sila dito.naisubmit na ng lawyer namin yung application namin sa immigration at natanggap na rin namin yung receipt notice advising us kung gaano katagal ang processing. si mister ko naman, tinawagan for interview a week ago sa banko.nag-aaply na kasi sya sa labas para ready kami ano man ang mangyari at isa pa, kailangan namin ng health insurance.madugo kasi pag wala ka nito dito.lalo't may diabetes pa naman itong bunso kong anak.naghihintay na lang uli si mister ko ng second and final interview nya, kaya sana loobin naman ng Panginoon ng maskedyul na at makapasa.nakakabawas din ng inip pag maraming nangyayari sa paligid mo at sa buhay mo.at least exciting gumising sa umaga dahil may mga bagay na hinihintay ka, in my case ito ngang bahay, trabaho at papel ng mga bata...and like i said, the wheel of life is continuously turning..life goes on....

Monday, August 01, 2005

No right to complain...

Nakalimutan ko palang sabihin na yung amo namin ang nagpetisyon sa amin at sya rin ang nagbayad lahat ng gastos.swerte nga kami e.biruin mo, bihira ang ganon ha?sabi ko nga sa kanya, napakagandang legacy itong ibinigay nya sa amin at yung mga magiging kaapu-apuhan ko e tatanawing utang na loob sa kanya ito.

Natanggap na rin namin yung mismong card namin.Habang tinititigan ko nga sabi ko sa asawa ko, akala ko tapos na ang struggle natin sa buhay pag nakuha na natin ito,akala ko tapos na problema.Nagkamali ako,kasi uumpisahan na rin namin yung papel ng mga anak ko, kailangan may bahay na silang matutuluyan, ang schools kailangang mapag-aralan din..dugtong-dugtong na problema.Sabagay, yan naman ang sarap ng mabuhay.Kasi pag wala ng problema,wala ng challenge, pag walang challenge wala ng fulfillment na mapi-feel sa mga accomplishments di ba?Buti nga kami may nangyayari sa buhay namin na something positive so I don't have the right to complain.We feel so blessed! and I can't thank and praise Him enough!

Truly God is good, God is Great!

Thursday, July 21, 2005

working our way to reach the american dream

nagtagal din kaming mag-asawa sa california.nakaisang taon ako at yung mister ko naman e naka-seven months.sa liit ng sahod namin dun, nag-isip kaming mag-asawa na umiba ng lugar dahil,wala, makukuba kami roon ng hindi makakaipon.willing nga kaming ipetisyon ng amo namin pero napakamahal naman ng babayaran, mga $8,000 ang aabutin.ang isa pa sa ikinatabang ko roon e bumakasyon yung amo namin sa australia at nanood ng olympics na hindi man lang nagpasabi sa umaasikaso ng papel namin kaya ayun, may kailangang pirmahan e wala sya.pag hindi daw napirmahan yun e back to step one ang papel ko pati priority date ko,mababago.walang nangyari dun kaya hindi na ako nagbayad ng $2oo kahit nalugi na ako ng mga $800(first downpayment).

may kumare ako na nagtatrabaho sa iowa.alaga nya e mag-asawa pero ang concentration e sa lalaki.hindi nya raw kaya, kaya kung interesado kami e subukan namin.nagpaalam kami sa amo namin na pupunta ng chicago.umalis kami dun ng december 25,2000 at nag-umpisa kami rito sa bagong trabaho ng december 26.nung makita namin yung matandang lalaki, akala namin e mamamatay na.talagang mahina,maputla at nakatunganga na lang.pinagtiyagaan naming mag-asawa na pakainin, bihisan at palakarin.sa awa at tulong ng Panginoong Diyos, lumakas naman at tumagal pa nga ng tatlong taon.he passed on january 06,2004 at age 91.dun ko rin narealized na ang yaman at talino e walang halaga pag haharap ka na sa Dakilang Lumikha.ang importante talaga e kung pano ka makisama sa kapwa at kung naging mabuti ka .mayaman itong amo namin pero sa panahon na maysakit sya, napakadalang ng kaibigan na dumalaw.pati nga mga anak,madalang ding dumalaw na hindi mo rin naman masisisi dahil mga abala sila sa paghahanap-buhay at sa sari-sarili nilang pamilya.pag may okasyon kami-kami lang...hindi talaga pwedeng maging sa iyo lahat ano?kami humiwalay sa mga anak dahil sa pera.sila may pera pero walang panahon ang mga anak nila sa kanila.talagang kumplikado ang buhay.

wala kaming masasabi sa amo namin ngayon.oo nga't minsan e talagang maubos-ubos ang pasensya mo pero dala lang siguro yon ng edad nya kasi 92 naman na.naglakas kami ng loob na magsabi sa housekeeper nila na illegal kami sa kagustuhan naming maayos din ang papel namin.pangarap din naming makuha ang mga anak namin dito at ng sa ganon e magkasama-sama naman kami.naintindihan naman nila ang sitwasyon namin kaya inasikaso ng anak nyang panganay ang pag-aayos ng papel namin.top-notch lawyer dito ang nag-handle ng papel namin.napakahabang proseso at napakaraming paperworks.bigla pang nagkaproblema nung nag- 911.medyo bumagal ang takbo ng papel halos isang taon na walang nangyayari.mga 2002 nung nabigyan kami ng work card at umaplay na kami ng ssn.tuwang-tuwa kaming mag-asawa kasi hindi na kami tnt!legal na kami!pakiramdam namin yung hirap na pinagdaanan namin e sulit na rin lahat...

siguro destiny/fate din kung bakit kami andito,biro mo, birthday ng nanay ko e june 1,itong amo kong babae e june 2? tapos yung tatay ko birthday e september 26 yung amo naming lalaki e september 25 naman?nakakatuwa ano?nung maliit ako pangarap ko talagang makarating dito, ngayon heto at natupad na, may papel pa kami ngayon!!!

Thank you, Lord!

Tuesday, July 19, 2005

work!work!!work!

ang naging amo ko sa california ay may anim na care home duon,mayaman sya, mabait din pero medyo alam mo na, mahigpit sa pera.maliit sya magpasahod at todo sa trabaho.tipid din sa pagkain.natutulog ako sa carpet sa living room ng mga carehome nya kasi walang lugar para sa caregiver.meron sa iba pero siyempre nakakahiya namang humiga sa kama ng caregiver na talagang dun naka-assign.reliever kasi ako.kalimitan, isang buwan na mahigit e wala pang day-off kasi kailangang mauna yung mga stay-in.ang problema pa dun, reliever lang ako pero yung major cleaning at pag-oorder ng supplies at gamot ng pasyente e sa akin pa laging bumagsak.minsan sa isang carehome, dalawang araw lang ako nagstay dun ha?take note,hindi ako nakaorder ng diaper e meron pa namang gagamitin yung pasyente, sukat na isumbong pa ako sa amo at ni hindi daw ako umorder.e sila nga ang nakatira dun dapat sila ang may responsibilidad sa mga ganon.komo tuwing aalis ako sa isang carehome e kumpleto ang supplies at gamot, iniexpect nila ako na ang regular na gumawa.mali yata yun.nakakatawa lang sa ating mga pinoy, talaga kayang nasa ugali na natin yung manghila ng kapwa pababa?lagi gustong malaman ang buhay ng may buhay,puro tsismis.may nakasama pa ako na pinagbintangan ako at isinumbong pa ako sa amo namin na nagnanakaw daw ako ng damit ng matatanda, ako raw ang umuubos ng pagkain sa carehome..dyus ko day, sa pagkain pa ako gawan ng intriga e pagkapayat-payat ko!kape nga lang sa umaga at bread end solve ako e.walang ng kainan ng almusal at tanghalian,once a day nga ako kumain.mahirap ako pero hindi ako magnanakaw.

isa siguro sa ikinakukulo ng loob ng kasama ko e kahit na lang papano yung amo ko e pinadadalhan ako ng saluyot, kangkong, sitaw at talong pag nanggaling sya ng farmer's market.mahilig kasi ako sa gulay na iluluto lang sa bagoong.ako binibigyan gawa ng sila e hindi raw kumakain non.kung naiinggit sila de humingi sila, di ba?pag binigyan naman ayaw.ang tatapang pa non na magsabi na ipapatapon ako.irereport daw ako sa immigration at ng mapauwi ako.natuto tuloy akong magtaray din kasi kung hindi ka lalaban, tatapakan ka e.sarili ko lang ang kakampi ko sa dayuhang bansa na ang umaaway naman sa akin e kapwa ko pinoy, de laban kung laban.nagulat nga asawa ko dahil after four months e sumunod sya sa akin.kapayat k raw, pumuti at lumiksi ang kilos.medyo pagong kasi ako nung nasa pinas e.nagtaka rin sya kung bakit ang daming galit sa akin.hindi ko rin alam.hindi ko naman ugali ang manipsip,ang sa akin trabaho kung trabaho dahil yun ang isinadya ko rito hindi makipag-away.ang hirap nga kasi, hirap na katawan mo sa trabaho, hirap pa loob dahil malayo sa mga anak tapos aawayin ka pa.napakahirap talaga.sana naging mayaman na lang ako at sa ganon hindi na ako lalayo sa mga mahal ko sa buhay.

malaking hirap ang naranasan naming mag-asawa dito sa lupa ni uncle sam.hindi ko na iisa-isahin kasi mapapagod lang ako uli.basta ang sa akin, lahat ng yun e may positibong epekto sa akin.mahirap na experience sa buhay pero pag tapos na at babalikan mo na lang uli e tipong matatanong mo ang sarili mo ng"nakaya ko yun?" at mapapangiti ka sabay buntong-hininga...at sabay usal ng dalangin:Salamat po, Diyos ko sa lahat ng patnubay at pag-iingat mo.Palagi Ka kasi sa tabi namin kaya nakaya namin ang lahat ng pagsubok sa buhay.Kaya nga nga ang lakas ng dating sa akin nung kantang footprints in the sand..lalo na sa ending na.."it was then that I carried you"...

hold on to your faith, brothers & sisters...

Friday, July 08, 2005

walang atrasan sa labanan

nandito na ako sa land of milk and honey.nakakataka pero hindi man lang ako ninerbyos nung palabas na ako ng airport at lumapit sa isang lalaki ng may hawak na bond paper at nakasulat dun ang pangalan ko.mukha naman kasing professional e at kasama yung bunsong anak.ipinakilala ko ang sarili ko at tiningnan nila ako pareho.usual pakilala atsusu..atsusu.tapos kumain kami sandali sa mcdo at hinatid na ako sa isa sa mga care home nila kung saan namahinga ako ng dalawang araw.nakilala ko yung stay-in caregiver dun na si ate"L".lima ang alaga nyang matatanda.

pagkagising ko nung umaga,silip ako sa bintana at pilit humahanap ng tao sa labas kaso wala.sa loob-loob ko,ano ba ito?ang lungkot-lungkot naman.at yun na,dun na nag-umpisa ang homesick ko.gusto ko ng makita ang asawa ko't mga anak.ilang araw akong hindi makakain puro iyak lang.buti na lang mabait si ate "L".sabi nya lakasan ko raw ang loob ko at kailangang labanan ang lungkot para sa mga anak.ikatlong araw ko roon, e sinundo na uli ako ng amo naming lalake, para officially e mag-start na ng trabaho....di ko akalain na mapapasubo pala ako,pero wala ng atrasan ito.

Wednesday, July 06, 2005

leaving on a jet plane

umalis ako ng pilipinas, january 10,2000.ilang araw bago ako umalis e hindi na ako makakain at sabi ng mister ko e hindi na rin makausap.ewan, pero siguro sa dahilang natatakot din ako, kasi first time kong sasakay ng eroplano, first time kong lalabas ng bansa at higit sa lahat, first time kong iiwan ang pamilya ko.kahirap talaga ng mahirap ano?kailangang lumayo pa sa kanila para mabigyan sila ng magandang kinabukasan.at saka alam ko, na itong pag-alis ko na ito e taon ang bibilangin ko at balde-baldeng luha ang iluluha ko bago ko sila uli makita...kasi (secret lang natin ha?mag-ttnt ako e)...

hindi ako gaanong nakatulog nung nakasakay na ako sa eroplano.may uzi pa nga akong nakatabi e.ininterview ako kung immigrant ba ako,ako naman si engot,sabi ko, oo yung tatay ko ang nagpetisyon sa akin at nasa new york sya.ang maganda nung malapit na kami,nagpapamigay pala ang mga stewardess ng papel na pipil-apan mo at ipakikita sa port of entry.tinanong kami isa-isa kung immigrant o tourist, buko ako ni lola!nahiya tuloy ako..ayan kasi nagsinungaling.nung lumapag na ang eroplano sa san francisco airport, singhot ako ng hangin na pagkalalim-lalim,sabay pangako sa sarili na hindi ako babalik ng pilipinas hanggat wala akong "berde"...berdeng papel at berdeng pera...

naluha nga ako lalo na nung sinabi ng stewardess na maligayang pagdating at sa muli nyong pagsakay sa philippine airlines.sabi ko sa sarili ko,heto na...umpisa na ng pakikipaglaban sa lupang dayuhan....

Tuesday, July 05, 2005

buhay sa pinas

hay naku,hirap ng buhay sa pinas..alam ng lahat ng pinoy yan na nangarap umabroad,kaya nga sila umalis sa bayang sinilangan..yan din ang rason ko.

nag-asawa ako sa edad na 22.nakatapos naman ng pag-aaral at nagtatrabaho na kaya akala ko okey nang lumagay sa tahimik..nagkamali ako!magulo pala at kumplikadong buhay ang pinasok ko pero hindi naman nangangahulugan na nagsisisi ako.kung bigyan ako ng pangalawang buhay e si fafa ko pa rin ang pipiliin ko,kumbaga right love pero wrong ang timing ng pagpapakasal.eniwey,nandun na yun kaya tuloy ko na lang ang istorya ko..

nabilis ang kasal namin ni fafa hindi dahil sa jontis (buntis) ako kundi lilipad sya papuntang middle east.sa sobrang ganda ko yata,ayaw na akong pawalan kaya ayun pa-sm daw kami at baka me iba pa raw na bubuyog na sumamyo sa bango ko..so ako naman naniwala kaya go kami sa manila city hall at dun kami sinakal.. kaya ko sinabing sinakal kasi, ako pa ba naman ang nagbayad!wala sya raw datung!matuk mo yon?..kaso ang nangyari nabuko ng tatay ko kaya ayun abot hanggang langit ang galit at ang sabi sa mga namanhikan sa amin non e e gusto nya raw kasal para sa akin e yung tipong kakalembang lahat ng kampana sa probinsya namin,hanep ano? so ayun apat na buwan lang kinasal na kami sa simbahan,okey naman sya,oldo ang kumalembang lang e mga kaldero't plato at bamban ng tenga ko sa iyak ng mga lahi ko dahil mag-aalaga lang daw ako ng sakiting matanda (nung kasing gabi ng kasal namin e "itinakas"lang namin sya sa ospital)..ayun.tatlong buwan pa uli ang lumipas,umalis na sya papuntang middle east at ako naman naiwang dalawang buwang buntis.bumalik sya after almost two years na nagtrabaho dun.umuwi dahil nahomesick.umupa kami ng apartment tapos nag-loan sa kumpanya ko ng bahay,nasundan pa uli ang anak namin,gastos talaga bakit puro mga ceasarian pa naman.nung lumipat na kami sa bahay na pinagawa namin,dun na humirap ang buhay.siyempre dalawa na anak,mag-aaral pa yung panganay at ako lang nung panahon na yun ang may kita.tumagal pa naman ako sa kumpanya ko ng sampung taon pero talagang pursigido na akong umabroad dahil nararanasan na naming maglugaw.mahina naman ang kita ng asawa ko sa pagbebenta ng insurance.yun palang makita mong kumakain ng walang ulam ang mga anak mo at yung hindi mo mabili ang gusto nila e napakalakas na motivating factor para mangibang bansa.oldo,sumusubok din umaplay ng trabaho ang asawa ko,wala rin kasi medyo may edad na.so nag-quit ako sa trabaho ko,nilakad namin ang pasaporte ko,ni wala nga akong alam na pupuntahan,kasi feeling ko kahit giyera pupuntahan ko para lang mapakain ang pamilya ko,yun bang tipong kahit ipambala ako sa kanyon!kaso ang masakit naman,kalalaki ng placement fee na hinihingi.sabi ko nga kung may pera akong ganon kalaki e hindi ako aalis at iiwan ang mga maliliit kong anak.so,ang ginawa naming mag-asawa,pikit-mata at taimtim na dasal ang baon namin nung luminya kami sa us embassy...sa awa ng Diyos sa amin,binigyan kami ng visa,sabi ko sa sarili ko..."uncle sam,here i come!"... and so my journey begins....