Friday, August 22, 2008

Akala Ko...

..... kaya kong dalhin. Hindi pala. Mahina talaga ako pero masisisi nyo ba ako? Ina ako at pagdating sa anak, lalo at may sakit, ibang usapan na.


..... kaya kong maging kalmado pagdating sa emergency, hindi pala. Tumawag sa akin ang school nurse kasi ang blood sugar ni Kyle ay 546 at may large ketones sa ihi.


..... simpleng sitwasyon lang. Palitan lang ang site, tumawag sa ospital para malaman kung ilang units ng insulin ang ibibigay bukod sa correction bolus sa pump at maayos din ang lahat. Yun bang routine na dahil hindi lang naman ito isa o dalawang beses na nangyari.


..... from large ketones, bababa na sa medium at mga ilang oras pa, ni trace wala na. Tulad ng dati. Pero sa blood sugar na 91 talagang mataas pa rin ang level ng ketone kaya tawag uli sa ospital. This time pinabigyan nila uli si Kyle ng 5 units ng insulin via injection bukod pa sa naibigay na sa kanya nung una na 2.2 units via pump at 3 units via injection.


..... katapusan na ng mundo ko. Habang kumakain kasi sya, napansin ko na hindi na nya maidilat ang mga mata nya at panay na ang higa sa akin. Pag pinatingin ko sa mga mata ko, hindi na nya mai-focus. Tsinek uli ng nurse ang sugar nya at nung makita ko muntik na akong mamatay...29.


..... mawawalan na ng malay ang anak ko. Hirap na kasi naming painumin ng orange juice. Umiiyak na sya na siyang ikinaiyak ko na rin. Biglang pumasok sa isip ko ang 911 na magsusuguran sa school nya na ilalabas syang unconscious at nasa stretcher. Natakot ako para sa anak ko....


Sa ngayon nandito na kami sa bahay. Dito ko na lang sya imo-monitor. Pag-uwi nga namin ang sinabi agad sa akin--- " I thought you're going to clean the house?" Kaya nangiti na lang ako kahit tulo luha at sipon ko. Natutulog sya ngayon. Kaka checked ko lang ng sugar nya at ayos naman na---119. Uulitin ko na lang uli pagkatapos ng isang oras at pag nagising na sya, itse-check ko naman ang ihi tapos ire-report sa doktor nya.


Akala ko, kaya kong maging matapang sa ganong sitwasyon. Ilang beses ko ng kinundisyon ang sarili ko just in case dumating ang mga ganong pagkakataon. Hindi pwedeng magpakita ng hina ng loob lalo na sa harap ng anak ko. Hindi pwedeng tumulo ang luha o kahit na konting nginig ng boses, hindi dapat ako kakitaan ng ganon. Kailangan kong maging malakas, buhay ang loob, hindi basta natataranta, hindi pwedeng lumuha....


Pero hindi ko kaya....kasi mahal na mahal ko sya... dahil anak ko sya at ako'y isang ina.

Thursday, August 21, 2008

Down Memory Lane...

Nagkalkal ako kanina sa garahe. Plano ko kasing i-organize ang mga photos namin lalo na yung sa mga bata. Balak kong gawan ng "updated" version ng kani-kanilang photo albums, mula noong maliliit pa sila hanggang ngayon. Hirap lang komo sandamakmak sya talaga naman pinawisan ako sa kakakalutkot. Kahirap pa naman ng ganon pag me hinahanap ka siyempre me mga di maiiwasang bagay na makikita ka kaya resulta nagdrama akong mag-isa sa ibaba. Me pa cry-cry with matching nginig ng nguso.


Unang kahon na nabuksan ko, mga litrato ng dalawang anak ko nung panahong magkakalayo kami. Mga litrato na nung nakita ko noon e iniyakan ko ng todo todo at iniiyakan ko pa rin hanggang ngayon. Sumunod na kahon na binuksan ko, mga litrato naman ni Kyle. Me mga kuha doon na kaming tatlo ng Papa nya at meron kaming dalawa lang. Naisip ko tuloy, habang busy kami dito sa "pag-iipon" ng happy memories eka nga, para kay Kyle, hindi namin namalayan na nalulubog na pala kami sa "utang" sa dalawa naming anak.


Ilang birthdays ba ang dumaan sa kanila na wala kami? Ilang Pasko, ilang Bagong Taon? First Communion ni Kristine nasan kami? Mga activities sa school, graduations? First crush, first suitor, first heartache at kung anu-ano pang firsts? Nakakalungkot kasi hindi kami ang unang nakakaalam. Sa parteng yun, walang katumbas na pera ang pwedeng itapat. Kahit anong okasyon ang i-celebrate ng nasa Pilipinas, kahit ibuhos mo pa lahat ng pera mo sa handa, wala....hindi ka parte sa kasiyahan. Silang lahat masaya...pero kami nasan? Nandito, pinagkakasya na lang ang sarili sa pakikinig sa ingay nila sa telepono o kaya masiyahan na lang sa mga litrato na ipapadala sa amin. Sabagay, yun naman ang importante, yung masaya sila.


Pangatlong kahon na nabuksan ko, mga sulat at cards. Nagbasa-basa ako ng konti. Merong masayang balita, me malungkot, me nakakairita, me nakakatawa at meron ding simpleng pangungumusta. Isipin mong maranasan ko lahat yang mga emosyon na yan ng dahil lang sa paglilinis ng garahe? Resulta tuloy parang mas napagod pa ako sa kaka-emote kesa sa pagbuhat-buhat ng mga kahon.


Na-realized ko sa pagtingin ko sa mga abubot ko sa garahe na sa medyo tinagal-tagal pala naming wala sa Pilipinas, marami na akong kamag-anak at kakilala na hindi ko na muling makikita. Katulad ng bayaw ko na si Kuya Pat, pamangkin ko na si Bong, Ditseng Luningning at asawa nyang si Syahong Pedring, Si Tiyo Ramon, Tiya Puring, apo nyang si Tristan, si Ate Zeny at marami pang iba. Nakakalungkot...


Sa isang banda naman, ang dami ko na ring hindi kakilala na mga batang parang mga kabuteng nagsulputan. Nagulat ako dahil mabibilang ko pa naman sa mga daliri ko noon ang mga bata sa amin at natatawag pa sa kani-kanilang pangalan. Pero susmaryosep! Nung umuwi ako, biglang me kakalabit na batang uhugin sa tabi ko, akala ko e pulubi, apo ko na pala! Kumukulo ang mga bata! Nakakalito!


Umakyat ako sa itaas na bitbit ang napakaraming litrato at photo albums. Pero higit sa lahat dala ko rin dito sa puso ko ang mga ala-ala ng nakalipas masaya man o malungkot, kasama man ako o hindi.

Tuesday, August 19, 2008

Ako! Ako! Puro na lang Ako!

Ako lang ba nakakaramdam ng ganito? Yun minsan parang tamad na tamad ka na ayaw mong gumalaw? Minsan naman parang inip na inip sa kung ano na halos di mo malaman ang gagawin mo?


Ako lang kaya ang nakakaramdam ng pagod? Minsan ng pagkasawa na rin? don't get me wrong, hindi ako nagsasawa sa pag-aasikaso sa mga anak, sa bahay and at the same time nagtatrabaho pa pero, parang gusto ko na lang sana kung pwede e magbakasyon, magpakasarap, magrelax ng walang iniintindi.


Ako lang kaya ang nasa sitwasyon na ganito? Na maraming gustong gawin pero tali ang kamay? Daig pa ang preso? Ganito ba talaga buhay? Para mabuhay kailangan mong kumayod sa puntong para ka namang patay dahil wala kang layang gawin ang nais mo?


Ako lang kaya ang ganito? Na karaming trabaho dito sa bahay pero walang maumpisahan at matapos? Lintok kasing computer ito e! Imbes na trumabaho pag naharap dito patay na! Tumatakbo ang oras ng hindi namamalayan dahil kakabasa ng blogs, news (politics/entertainment) usyoso sa friendster, google dyan google dito.
Bat pag naharap ka pa naman sa computer at maisip magsulat ng entry sa blog e dun na lumalabas ang mga sentimyento de asukal, tampong pururot, emo, moment-moment, chaka-chaka, eklavu ek-ek. Kainis!


Ako lang palagay ko ang ganito na nagpoproblema ng wala. I have to find a way to channel this excessive energy/time to something useful and productive (ala Big Russ and Me a!)
Umpisahan ko na by exercising. Lakad na muna ako sa park at baka sakaling makakita ng mga cute.........cute na aso!


Btw, Big Russ and Me is a good read. Grab a book!